Cruz

P10K cash assistance para sa bawat Pilipino isinulong ng isang kongresista

Mar Rodriguez Mar 27, 2023
478 Views

ISINUSULONG ngayon ng isang Metro Manila congressman ang kaniyang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng P10.000 cash assistance ang lahat ng pamilyang Pilipino sa bansa upang maka-agapay at makatulong sa kanilang pamumuhay sa gitna ng pananatili ng COVID-19 pandemic.

Inihain ni Taguig-Pateros 1st Dist. Congressman Ricardo S. Cruz, Jr. ang House Bill No. 7698 o ang “Sampung Libong Pag-asa Law” para mabigyan ng P10.000 cash assistance ang lahat ng mga pamilyang Pilipino dahil sa kasalukuyan ay hindi pa naman lumilisan ang Corona Virus pandemic.

Ipinaliwanag ni Cruz na sakaling maging isang ganap na batas ang kaniyang panukala. Ang kada pamilyang Pilipino na nangangailangan ng “assistance” bunsod ng kasalukuyang krisis dahil sa pandemiya ay tatanggap ng tinatawag na “one-time cash aid” na nagkakahalaga ng P10.000.

Sinabi ni Cruz na kabilang sa mga “priority list of beneficiaries” na makakatangap ng P10.000 cash assistance ay ang tinatawag na poorest of the poor, senior citizens, solo parents, mga nawalan ng trabaho sa panahon ng pandemiya, driver ng mga Public Utility Vehicles (PUVs) at mga mayroong sari-sari store.

Kabilang din sa mga mabibiyayaan ng nasabing cash gifts ay ang mga kasambahay, sub-minimum workers, medical frontliners, barangay health workers, pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s), mga hindi nakakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program ng pamahalaan.

Ikinagalak naman ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang pagsusulong ng isang panukalang batas para makatulong sa nakararaming Pilipino na halos ginupo ng kahirapan bunsod ng matinding epeketo na idinulot ng COVID-19 pandemic sa kanilang pamumuhay.

Sinabi ni Romero na malaki ang maitutulong ng mga ganitong pagkilos mula sa kaniyang mga kapwa kongresista para unti-unting maibangon ang mga mahihirap na Pilipino na ang ilan ay nawalan ng trabaho at hanap-buhay sa kasagsagan ng pandemiya dahil sa mga ipinatupad na “health protocols”.

Ipinabatid din ni Romero na bilang Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation ay “welcome” para sa kaniya ang pagsusulong ng mga panukalang batas para unti-unting maibsan ang matinding epekto ng pandemiya para sa mga ordinaryong Pilipino partikular na ang mga mahihirap.

Sinabi pa ng kongresista na hindi nagpapapabaya ang kaniyang Komite sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga programa para matulungan ang napakaraming mahihirap na mamamayan partikular na ang tinatawag na “poorest of the poor” na kinakailangan ng ayuda mula sa pamahalaan.