Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
PBBM & Speaker Romualdez

P1B pondo para sa Early Childhood Centers patunay ng malasakit ni PBBM sa susunod na henerasyon

Mar Rodriguez Apr 10, 2025
50 Views

KINILALA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglaan ng P1 bilyon para sa pagtatayo ng mga Child Development Centers (CDCs) sa 328 lokal na pamahalaan na maliit ang pondo, isang hakbang na nagpapatunay umano ng malasakit ng administrasyon sa mga susunod na henerasyon.

“This is the kind of leadership that brings real hope to Filipino families—simple, direct, and focused on results. Malinaw po ang mensahe ng ating Pangulo: walang batang Pilipino ang dapat maiwan,” ani Romualdez.

Ang pondo, na ilalaan mula sa Local Government Support Fund sa ilalim ng 2025 national budget, ay naglalayong padaliin ang access sa maagang pangangalaga at pag-unlad ng mga bata, lalo na sa mga komunidad na mahihirap at walang sapat na pasilidad upang masuportahan ang mga pinakabatang mag-aaral.

Ayon kay Romualdez, ganap na sinusuportahan ng Kamara ang agenda ng edukasyon ng Pangulo, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM), Department of Education (DepEd), at EDCOM II upang matiyak na ang kinakailangang pondo ay naisama sa budget.

“Wala po tayong ibang layunin kundi tumulong sa Pangulo. Kung saan may pangangailangan, doon natin nilalagay ang pondo. Kung ang problema ay kulang sa pasilidad para sa mga batang edad 0 to 4, ’yan ang tinugunan natin,” paliwanag ng pinuno ng Kamara.

Ayon sa Speaker, nauunawaan ng Kamara ang pangmatagalang epekto ng pamumuhunan sa mga unang taon ng buhay, kung saan ipinapakita ng mga pag-aaral na mas mataas ang posibilidad ng mga bata na magpatuloy sa pag-aaral, matututo ng mas mabuti, at magtagumpay sa hinaharap kapag sila ay nabigyan ng tamang suporta sa maagang edukasyon.

“Hindi pwedeng puro senior high school lang o college scholarships ang tutukan. Kailangan din simulan sa pinaka-ugat—sa murang edad. Dito po nagsisimula ang tunay na pagbabago,” dagdag pa ni Romualdez.

Sa ilalim ng Joint Circular na nilagdaan ng DBM at DepEd at nasaksihan ng Pangulo sa Malacañang, maaaring mag-apply ang mga LGU para sa pondo upang magtayo ng mga CDC, basta’t nangako silang tutustusan ang mga centers sa pamamagitan ng paglalaan ng lupang matitirikan, maintenance, at staffing.

Ang polisiya ay direktang tumutugon sa mga natuklasan ng EDCOM II, na nagsiwalat na 5,800 barangay ang walang access sa tamang programa para sa early education.

Pinuri rin ni Romualdez ang pagtutulungan ng Mababang Kapulungan sa pamamagitan ng EDCOM II, na pinangunahan nina Sen. Win Gatchalian at Rep. Roman Romulo, sa pagbuo ng mga solusyong nakabase sa datos na tumutugon sa mga tunay na hamon sa komunidad.

“Marami pa tayong kailangang ayusin sa ating sistema ng edukasyon, pero ito na ang simula ng mas malawakang reporma. At habang pinangungunahan ito ng ating Pangulo, makakaasa siyang ang Mababang Kapulungan ay katuwang niya sa bawat hakbang,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

Tiniyak ni Romualdez sa publiko na ipagpapatuloy ng Kamara ang pagtutok sa mga pangangailangan sa sektor ng edukasyon, lalo na ang para sa mga mahihirap na komunidad.

“Kapag ang bata ay natuto nang maaga, hindi lang siya ang aangat. Pati pamilya niya, pati ang buong bayan. Iyan ang layunin natin—isang edukasyong abot-kamay para sa lahat,” ayon pa kay Speaker Romualdez.