DA

P2.5B farm inputs, makinarya, hayop ibinigay sa Cagayan, Isabela

Cory Martinez Oct 5, 2024
75 Views

UMAABOT sa P2.5 bilyon ng farm input, machinery, post-harvest facility, bangka at fishing gear, mga hayop at pinansiyal na tulong ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) sa libu-libong magsasaka at mangingisda sa Cagayan at Isabela.

Pinangunahan ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang pamamahagi ng tulong na ang malaking bahagi galing sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Ang pondo sa RCEF mula sa taripa na nakolekta mula sa mga inangkat na bigas.

Ayon kay Tiu Laurel, ang pamimigay ng tulong sa dalawang probinsiya, na pawang pangunahing producer ng bigas at mais, bahagi ng pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapaunlad ang sektor ng pagsasaka.

Sa naturang halaga, ibinigay ang P1.13 bilyon sa Cagayan samantalang P1.37 bilyon sa Isabela.

Kabilang sa mga dumalo sa pamamahagi sina Cagayan Vice Governor Marvin Vargas, Tuao Mayor William Mamba, Iguig Mayor Ferdinand B. Trinidad, Isabela Governor Rodolfo Albano III, Ilagan City Mayor Jose Mari Diaz at Isabela Rep. and House Deputy Speaker Antonio Albano.

“We are providing in-kind support that will ensure the success of the dry season planting for calendar year 2024 and enhance the productivity and income of our farmers across multiple programs,” ani Tiu Laurel.

Paliwanag pa ni Tiu Laurel, inaasahang mapaigting ng mga naturang tulong ang kapasidad ng mga magsasaka na matugunan ang pagtaas ng demand para sa bigas sa pamamagitan ng pagdagdag ng ani at pagpapabuti ng katatagan sa pagsasaka.

Kabilang pa sa mga ipinamahagi ng DA sa dalawang probinsiya ang mga butil ng hybrid na bigas, mais at mani, fertilizer, biik at feed sa ilalim ng swine repopulation program at fingerlings, bangka at iba pang gamit sa pangingisda.

Sa pamamagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization, inilunsad sa Naguilian, Isabela ang isang
rice processing systems (RPS) na nagkakahalaga ng P114.5 milyon.

Ilan pang mga proyekto na ibinigay sa Cagayan ang Agricultural Machinery, Equipment, Facility and Infrastructure Program kabilang na ang water impounding at diversion dams, hauling trucks at cassava granulators na nagkakahalaga ng P65.7 milyon.

Ipinamahagi din ang indemnity mula sa Philippine Crop Insurance Corporation, fuel subsidies at financial assistance sa mga magsasaka.

Pinasinayaan din ni Tiu Laurel ang isang outlet ng Mega KADIWA ng Pangulo sa Ilagan City.