Darrell John

P299 na engagement ring, pwede pa bang bawiin?

Darrell John Jan 13, 2024
140 Views

ISA na namang tanong ang natanggap natin:

“Attorney, binigyan ko ang aking kasintahan ng P299 na engagement ring. Um-oo siya pero halata ko sa mukha niya na hindi siya lubos na natuwa. Maaari ko ba itong bawiin?”

Sagot: Hindi. Ayon sa Artikulo 748 ng Civil Code, na tumutukoy sa donasyon ng movable property, ang isang donasyon na binitawan gamit ang salita ay nangangailangan ng sabay na paghahatid o pag-abot ng bagay o ng dokumento na kumakatawan sa karapatang idinonate.

Kung ang halaga ng personal na ari-ariang idinonate ay lumampas sa limang libong piso, ang donasyon at ang pagtanggap ay dapat gawin sa pamamagitan ng pagsulat. Kung hindi, ang donasyon ay ituturing na walang bisa. Sa sitwasyong ito, dahil ang halaga ng engagement ring ay P299, ang donasyon ay itinuturing na balido lamang sa pamamagitan ng oral na kasunduan nang sinabi ng kasintahan niyang “oo” at sa pisikal na paghahatid ng singsing.

Dagdag pa rito, ayon sa Artikulo 734 ng Civil Code, ang donasyon ay perpektong naisakatuparan mula sa sandaling nalaman ng nagbigay na tinanggap na ito ng binigyan. Sa kaso ng pagbibigay ng engagement ring, ang perpeksyon ay nangyari nang tanggapin ito ng kanyang kasintahan.

Ang mga legal provision na ito ay nagpapahiwatig na sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang isang balidong donasyon ng movable property, tulad ng isang engagement ring na hindi lumalagpas sa halagang PHP 5,000, ay maaaring maganap sa pamamagitan lamang ng oral na kasunduan. Hindi na kinakailangan ang pasulat na dokumento para sa ganitong uri ng transaksyon. Dahil dito, hindi maaaring bawiin ng nagbigay ang singsing na kanyang naibigay na sa kanyang kasintahan.

Ikaw, Kailangan Mo ng Legal na Payo?

Kung mayroon kang mga tanong o nangangailangan ng gabay, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng email: [email protected].

O ‘di kaya magpadala ng mensahe sa aming social media pages:

Instagram — https://www.instagram.com/_darrelljohn/

Facebook — https://www.facebook.com/thedarrelljohn/

Ang aming team ay nakahanda upang magbigay sa iyo ng kinakailangang suporta at payo. Salamat!