Pangandaman

P3B pondo para sa fuel subsidy inaprubahan ng DBM

Jun I Legaspi Sep 9, 2023
165 Views

INAPRUBAHAN ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang pagpapalabas ng P3 bilyong pondo para sa Fuel Subsidy to the Transport Sector Affected by Increasing Fuel Prices na mas kilala bilang Fuel Subsidy Program.

Target ng ipinalabas na pondo na matulungan ang 1.36 milyong driver at operator ng mga pampublikong sasakyan na apektado ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

“Transportation is the lifeblood of our economy. Bilin po sa amin ni President Bongbong Marcos na tulungan at huwag pabayaan ang ating mga manggagawa sa transport sector. Kaya naman po sisiguruhin namin na mabibigyan sila ng nararapat na tulong mula sa gobyerno,” ani Sec. Pangandaman.

Ang ipinalabas na pondo ay batay sa request ng Department of Transportation (DOTr) alinsunod sa 2023 General Appropriations Act (GAA).

Nag-request ang DOTr ng pondo noong Agosto 9 subalit ibinalik ng DBM ang request dahil sa kakulangan ng mga kinakailangan dokumento.

Noong Setyembre 4 ay natanggap ng DBM ang mga kinakailangang dokumento kaya naproseso na ang pagpapalabas ng pondo.

Ang mga bibigyan ng ayuda ay ang mga sumusunod:

-Modernized Public Utility Jeepney (MPUJ): P10,000
-Modernized Utility Vehicle Express (MUVE): P10,000
-Traditional PUJ: P6,500
-Traditional UVE: P6,500
-Public Utility Buses (PUB): P6,500
-Minibuses: P6,500
-Taxis: P6,500
-Shuttle Services Taxis: P6,500
-Transport Network Vehicle Services: P6,500
-Tourist Transport Services: P6,500
-School Transport Services: P6,500
-Filcabs: P6,500
-Tricycles: P1,000
-Delivery Services: P1,200

Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang may hawak ng masterlist ng mga bibigyan ng ayuda.