Calendar

P441M nakumpiska sa MCIA, 9 dayuhan iniimbestigahan kaugnay ng ‘poll money’
SIYAM na dayuhan na may dalang mahigit P441 milyon ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa Mactan-Cebu International Airport nitong Sabado ng madaling araw, ilang oras bago matapos ang campaign period para sa May 12 National and Local Elections, ayon kay PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil.
Inilarawan ito ni Marbil bilang isang malaking breakthrough alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa malinis at maayos na halalan. Ayon sa kanya, ang mga pera, na nasa ilang bag, ay nasabat sa General Aviation Area ng paliparan bandang 11:30 p.m. ng Sabado.
Sinabi ng PNP na legal ang mga pag-aresto dahil may resolusyon ang Commission on Elections (Comelec) na nagdedeklarang labag sa batas ang pagdadala ng malaking halaga ng pera sa panahon ng eleksyon, dahil posibleng magamit ito sa vote-buying.
Dahil sa mahigpit na election security protocols, napansin ng mga pulis na nakatalaga sa paliparan ang grupo na may dalang maraming trolley na puno ng malalaking bungkos ng pera habang isinasagawa ang routine inspection.
Ang siyam na dayuhan ay kinabibilangan ng anim na Chinese nationals, isang Malaysian, isang Indonesian, at isang Kazakhstani, pati na rin ang kanilang dalawang Pilipinong kasama, na papunta sana sa Manila sakay ng isang pribadong eroplano nang sila ay maharang.
Ayon kay PNP spokesperson, Brigadier Gen. Jean S. Fajardo, bigo ang grupo na magpakita ng mga legal na dokumento na magpapatunay sa lehitimong pinagmulan ng napakalaking halaga ng pera.
Sinabi ni Fajardo na nagtaas ng alarma ang isang x-ray operator matapos makakita ng mga kahina-hinalang imahe na tumutugma sa malalaking halaga ng salapi, kaya’t agad na pinalakas ang seguridad sa lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, dumating ang grupo sa paliparan sakay ng puting Toyota Super Grandia na may plakang NGL 5798 at sinubukang umiwas sa mga karaniwang protocol.
Napag-alaman din na may mga nakakabahalang detalye tungkol sa ilang miyembro ng grupo: ayon kay Brig. Gen. Fajardo, ilan sa mga suspek ay may mga pekeng driver’s license habang ang isa ay may active Interpol notice at may nakabinbing arrest warrants.
Dagdag pa ni Fajardo, bandang 3 a.m. ng Sabado, sinubukan ng grupo na magpakita ng casino certificate, sinasabing galing umano ang pera sa gambling winnings sa White Horse Junket.
Ngunit agad itong pinagdudahan ng mga awtoridad, lalo na’t ang nasabing junket operator ay nasangkot na rin noon sa kidnapping ni Anson Que at sinasabing nakatanggap ng ransom payments. Iniulat na isinara na rin ng operator ang kanyang negosyo matapos madawit sa nasabing kaso.
Sinabi ni Gen. Marbil na ang pagkakaaresto sa mga nasabing indibidwal ay isang malinaw na mensahe na hindi papayagan ng PNP ang mga paglabag sa batas ngayong election period.
“As the 2025 elections approach, the PNP is fully committed to protecting the integrity of the democratic process. This major cash seizure sends a strong message: we will take action against anyone trying to manipulate the vote through illegal means. Our job is to ensure peace, order, and fairness during the elections—and we won’t back down,” pahayag ng PNP chief.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila dahil sa paglabag sa Comelec Resolution No. 11104, partikular ang Sections 27 at 29, na may kinalaman sa ilegal na pagdadala ng pera sa panahon ng eleksyon.
Sila rin ay isasailalim sa imbestigasyon para sa posibleng money laundering kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Anti-Money Laundering Council at para sa posibleng paglabag sa immigration laws katuwang ang Bureau of Immigration.
Hinihikayat ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag at patuloy na mag-ulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad na may kinalaman sa halalan bilang bahagi ng kanilang walang tigil na kampanya para masigurong malinis, tapat, at mapayapang eleksyon.