BOC

P5.8M halaga ng smuggled na produktong petrolyo nasabat ng BOC

143 Views

NASABAT ng Bureau of Customs – Port of Zamboanga (BOC-POZ) ang P5.8 milyong halaga ng produktong petrolyo na tinangka umanong ipuslit sa bansa.

Nakatuwang ng BOC-POZ ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Water Patrol Division, TG Aduana SWM/BARMM, at Coast Guard Inspector General – Southwestern Mindanao (CGIG-SWM) sa operasyon na nangyari sa Brgy. Cawit, Zamboanga City noong Setyembre 9.

Ang operasyon ay nag0ugat sa natanggap na intelligence report kaugnay ng isang barko na umalis sa Taganak Island, Tawi-Tawi na patungong Zamboanga City upang dalhin ang mga smuggled na produkto.

Ang barkong M/L Zshahuny II ay nahuli habang nagbababa ng produktong petrolyo sa Brgy. Cawit.

Wala umanong naipakitang dokumento ang mga crew ng barko na dumaan sa legal na proseso ang pagpasok sa bansa ng mga dala nitong produkto.

Umabot sa 89,600 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P5.8 milyon ang nakumpiska ng otoridad.

Nangako si District Collector Arthur G. Sevilla Jr. na patuloy na pag-iibayuhin ang mga operasyon ng ahensya laban sa smuggling alinsunod sa direktiba ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio at bilang tugon sa hamon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-ibayuhin ang anti-smuggling campaign ng BOC.