Calendar
Paalis na pasahero hinarang sa NAIA Terminal 1 dahil sa kasong carnapping
BIGONG makaalis palabas ng bansa noong Linggo ng gabi ang lalaking pasahero nang mabistong may kinakaharap na kaso habang sumasailalim sa verification system ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.
Kaagad nakipag-ugnayan ang BI sa NAIA Police Station 1 na dahilan para makumpirma na may warrant of arrest nga na inilabas ang hukuman laban sa pasahero sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883, o ang New Anti-Carnapping Law, na may inilaang piyansa na P300,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Dahil dito, isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsisilbi ng arrest warrant sa pasahero at binasa ang kanyang mga karapatan bilang akusado.
Pansamantala namang inilipat sa pangangalaga ng CIDG-National Capital Region Field Unit ng Southern Metro Manila District Field Unit ang akusado para sa dokumentasyon at karagdagang legal na paglilitis.
“Every operation is a step toward a safer, more secure airport, where the law is enforced and public safety comes first,” pahayag ni P/BGen. Dionisio Bartolome Jr., acting director ng PNP AVSEGROUP.

