Calendar
Pulis at drug suspek, sugatan sa pag-aagawan ng baril sa isang police operation sa Caloocan
SUGATAN ang pulis na nakipag-agawan sa hawak na baril ng nasugatan ding suspect sa isang drug operation Martes ng umaga sa Caloocan City.
Kapuwa isinugod sa Caloocan City Medical Center sina P/Cpl. Robinson Oya, 37, nakatalaga sa East Grace Park Police Sub-Station-2 at suspek na si alyas “Joboy”, 32, residente ng BMBA Compound, Brgy. 120, na parehong nasa ligtas ng kalagayan matapos magtamo lamang ng minor injuries.
Sa ulat na ipinarating ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagtungo ang mga tauhan ng Sub-Station 2 sa BMBA Compound dakong alas-10:15 ng umaga matapos makatanggap ng impormasyon sa nagaganap na ilegal na drug transaction sa lugar.
Pagdating dito, naispatan ni Oya ang suspek habang tinatanggap ang plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu kaya’t palihim siyang lumapit para dakpin ang dalawa subalit nakatunog si alyas Joboy na agad bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis.
Masuwerteng hindi tinamaan si Oya kaya’t sinunggaban niya kaagad ang baril ng suspek at sa kanilang pag-aagawan, tatlong beses itong pumutok kaya’t pareho silang nahagip ng bala hanggang tumulong na ang iba pang pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. Nakatakas naman ang ka-transaksiyon ni alyas Joboy na sinamantala ang pag-aagawan sa baril ng dalawa.
Nakumpiska ng pulisya sa suspek ang isang kalibre .22 na revolver na kargado pa ng isang bala at tatlong basyo sa chamber habang nasamsam din sa kanya ang tatlong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

