bro marianito

Paano ba natin ginamit ang mga talent at biyayang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos? (Mateo 25:14-30)

687 Views

“Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay. Kaya’t tinawag niya ang kaniyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang ari-arian. Binigyan niya ng salaping ginto ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan”. (Mateo 25:15)

NAAALALA ko nuong araw mayroon kaming lalaking kapitbahay na nagtapos ng Civil Engineering sa isang prestisyosong Unibersidad. Subalit nakakalungkot lamang makita na hindi nito ginagamit ang kaniyang mataas na pinag-aralan.

Sapagkat bastante na lamang siya sa maghapong pag-istambay sa bahay at lunurin ang kaniyang sarili sa pag-iinom ng alak. Sa ganitong sistema na lamang umiikot ang kaniyang buhay dahil kuntento na siya sa klase ng buhay na pinagagalaw lang ng kaniyang bisyo.

Nakakalungkot tignan sapagkat sayang lamang ang kaniyang talino, talento at pinag-aralan na pinagsunugan niya ng kilay. Hindi lamang iyan, pati ang malaking halaga na ginugol ng kaniyang magulang sa kaniyang pag-aaral ay nasayang lamang dahil sa kaniyang katamaran.

Ganito ang mensahe ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 25:14-30) patungkol sa paghahari ng Diyos na inihalintulad sa isang taong maglalakbay at ipinagkatiwala nito sa kaniyang tatlong tauhan ang kaniyang ari-arian na naglalarawan sa salaping ginto.

Katulad ng lalakeng kapitbahay namin, tayong lahat ay binigyan ay pinagkalooban ng Panginoong Diyos (kagaya ng ginawa ng lalake sa Pagbasa) ng kaniya-kaniyang talino at talento upang ang mga ito’y pagyabungin at paunlarin natin.

Maaaring hindi tayo pare-pareho ng talento at talino subalit marahil lahat naman tayo ay biniyayaan ng Panginoon ng abilidad upang magawa parin nating payabungin at paunlarin ang maliit man o malaking biyayang ibinigay sa atin ng Diyos.

Katulad ng mga tauhan sa Ebanghelyo, tayo rin ay pinagkatiwalaan ng Diyos kaya’t nasa diskarte na lamang natin kung paano natin pauunlarin at pasasaganahin ang mga biyayang ibinigay sa atin. Tutulad ba tayo sa dalawang maabilidad na tauhan o duon sa pangatlong tauhan na ibinaon sa lupa ang pera ng kaniyang panginoon? (Mateo 25:16-18)

Sapagkat pinagkatiwalaan tayo ng Panginoong Diyos, obligasyon natin na ingatan, palaguin at gamitin sa tama ang mga biyaya, talino at talentong ipinagkatiwala sa atin. Subalit may mga tao na hindi nila ginagamit ng tama ang mga biyayang ito.

May iba na nabiyayan nga ng talino pero kuntento na sila sa buhay sa pamamagitan ng pagiging istambay . Sinasayang at binuburo nila ang mga biyayang ito gaya ng lalake sa kuwento na ibinaon lang niya sa lupa ang salaping ginto ng kaniyang panginoon. (Mateo 25:18)

Itinuturo ngayon ng Ebanghelyo na darating ang panahon haharap din tayo sa ating Diyos. Pag-uulatin din niya tayo tungkol sa mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin habang tayo’y nasa ibabaw ng lupa. Tatanungin tayo ng Panginoon kung paano natin ginamit ang mga biyayang ito.

Kung tayo’y isang Doktor, naggamit ba natin ng tama ang ating propesyon para makatulong sa mga may-sakit at nangangailangan ng ating serbisyo o ginamit lamang natin ito para lalo pang pagkakitaan ang mga taong lumalapit sa atin?

Kung tayo naman ay isang Abogado, natulungan ba natin ang mga taong naghahanap ng hustisya? Natulungan ba natin ang ating kapwa na pinagkaitan ng katarungan o mas pinanigan pa natin ang mga taong sumisikil sa kanilang karapatan?

Bilang mga Kristiyano, papaano ba naman natin ginamit ang biyaya ng pananampalataya na ipinagkaloob sa atin ng Diyos? Tayo ba’y naging mabuti sa ating kapwa? Binigyan ba natin ng makakain ang mga nagugutom? Binigyan ba natin ng damit ang mga walang maisuot at kinukkop ba natin ang mga walang matirhan?

Itatanong sa atin ng Panginoong Diyos kung sa papaanong paraan natin ginamit ang mga biyaya, talino at talentong ipinagkatiwala niya sa atin. Ginamit ba natin ito para tulungan ang ating kapwa o sinarili natin ito para sa ating pansariling interes?

Ikalulugod ng Diyos at lalo pa niyang pagpapalain ang mga taong ginamit sa tama ang biyayang ipinagkatiwala sa kanila. (Mate 25:20-23) kaya kung mapapansin natin, lalo pang pinagpapala ng Panginoon ang mga taong “generous” o mapagbigay sa mga nangangailangan.

Subalit kinamumuhian naman ng Panginoon ang mga taong tamad at ipinagdamot sa kanilang kapwa ang mga biyayang ipinagkatiwala lamang sa kanila ng Diyos. Mayroon na ba kayong nakitang tamad o batugan na umunlad at umasenso ang pamumuhay?

Minsan, kung sino pa iyong taong mayaman ay iyon pa ang parang hirap na hirap sa buhay. Ang dahilan nito’y hindi kasi siya pinagpapala ng Diyos dahil sa kaniyang kasakiman o kadamutan sa kaniyang kapwa na humihingi sa kaniya ng tulong.

Nawa’y matutunan natin ang magpahalaga sa mga biyayang ipinagkaloob ng Panginoong Diyos upang lalo pa niya tayong pagpalain. Sapagkat ang sabi nga sa Pagbasa: “Ang mayroon ay bibigyan pa at mananagana. Ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kaniya ay kukunin pa”. (Mateo 25:29)