Alyansa3

Pacquiao kumpiyansa na masusungkit nila ang 12-0 vote sa buong Metro Manila

Mar Rodriguez Feb 19, 2025
25 Views

PASAY CITY, MANILA – Kumpiyansa ang isa sa mga Senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) na si “Pambansang Kamao” Manny “Pacman” Pacquiao na kaya nilang dominahin ang buong Metro Manila sa pamamagitan ng 12-0 vote kontra sa kanilang mga katunggali sa darating na halalan sa Mayo.

Sinabi ng dating Senador na optimistiko ang buong Senatorial slate ng APBP na kaya nilang makopo ang boto ng mga taga National Capitol Region (NCR) dahil narin sa suportang ibinibigay sa kanila ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ayon kay Pacquiao, naniniwala siya na makukuha nila ang suporta ng tinatayang 7.32 million registered voters sa Metro Manila hindi lamang dahil sa suporta ng Pangulong Marcos, Jr. kundi dahil narin sa kanilang magandang plataporma at programa na paunlarin ang pamumuhay ng mga mahihirap na mamamayan.

“Kumpiyansa kami sa grupo ng Alyansa na ma-12-0 namin dito sa Metro Manila dahil unang-una, suportado kami ng Pangulo at ang programa ng Alyansa ay para talaga sa mga mahihirap na sambayanang Pilipino, at magkaroon tayo ng trabaho at hanap-buhay ang bawat pamilyang Pilipino,” sabi ni Pacquiao.

Naniniwala din si Pacquiao makukuha din nila ang tagumpay gaya ng nangyari noong 2022 Presidential elections. Kung saan, mahalagang papel o isang “crucial role” ang ginampanan ng Metro Manila upang makuha ni PBBM ang suporta at boto ng 3.26 voters matapos nitong ma-sweep ang labing-anim na lugar sa NCR.