Pacman

Pacquiao nakuha ang suporta ng pinaka-malakas na political bloc sa Tawi-Tawi

Mar Rodriguez May 6, 2025
19 Views

Pacman1Pacman2BONGAO, TAWI-TAWI – Nakuha ni Pambansang Kamao at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao ang buong suporta ng pinaka-malakas na “political bloc” sa naturang lalawigan sa pangunguna ni Governor Yshmael “Mang” Sali kabilang na ang labing-isang alkalde sa kasapi ng Bangsamoro Province.

Sa isinagawang konsultasyon sa Bangao, inilahad ni Pacquiao ang kaniyang vision para sa pag-unlad ng ekonomiya at turismo ng Tawi-Tawi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga reporma sa sektor ng maritime.

Sabi ng dating senador na kabilang sa mga repormang isusulong nito para sa Tawi-Tawi ay ang panukalang pagkolekta ng port access fees, pilotage, bunkeri ng services at iba pang maritime services sa mga pantalan ng nasabing lalawigan.

“Ang Tawi-Tawi ay maaaring maging pintuan ng Pilipinas patungo sa East ASEAN Growth Area. Sa maayos na pamumuno at tamang batas, makakalikha tayo ng panibagong kita para sa lalawigan habang pinapalakas ang seguridad sa ating teritoryo at karagatan,” wika nito.

Binanggit din ni Pacquiao ang mga benepisyong pang-ekonomiya na maaaring makamit ng lalawigan. Kabilang na dito ang kita mula sa buwis sa paggamit ng pantalan, paglikha ng trabaho sa bunkering, pagkukumpuni ng barko, pagsusulong ng lokal na turismo at imprastraktura.

Habang itutulak din nito ang pagpapalakas ng blue economy o ekonomiya sa karagatan at soberaniya ng Pilipinas sa katubigan.

Maituturing na kabilang ang Tawi-Tawi sa may pinaka-maliit na bilang ng mga botante. Gayunman, ipinagmamalaki naman ng lalawigan na sila ang may mataas na voters turnout noong nakalipas na 2022 elections. Kung saan, umabot sa 61.7% mula sa 232,845 na rehistradong botante.

“Aniya, hindi lamang ito usapin ng politika. Ito ay tungkol sa pagbubukas ng potensiyal ng Tawi-Tawi para sa kanilang ekonomiya at bilang dangal ng Pilipinas sa katimugan”.