Pacquiao1

Pacquiao: Sigalot, hidwaan sa pulitika mistulang ‘kalawang’

Mar Rodriguez Mar 22, 2025
19 Views

SANTA ROSA, LAGUNA – Para kay Pambansang Kamao at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao, ang sigalot at hidwaan sa pampolitika ay mistulang “kalawang” na unti-unting sumisira at nagpapalugmok sa ating bansa sa aspeto ng ekonomiya.

Ito ang ipinahayag ni Pacquiao na ang mabigat na problemang kasalukuyang kinakaharap ng Pilipinas ay hindi ang kahirapan kundi ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino dahil sa magkakasalungat o magkakaibang pananaw sa usaping pampolitika.

Pagbibigay diin ni Pacquiao na hindi dapat mag-away away ang mga Pilipino at sa halip ay magkaisa upang labanan ang tunay na problema ng bansa gaya ng kahirapan, ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at ang kalulangan ng opprtunidad para sa lahat ng mamamayan.

“Ang problema natin ngayon ay hindi ang kahirapan kundi ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino. Hindi tayo dapat mag-away away dahil sa politika, ang tunay na laban natin ay ang kahirapan, ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at ang kakulangan ng oportunidad para sa lahat,” sabi nito.

Nauna nang ipinanawagan ng dating Senador sa mamamayan na magkaisa laban sa kahirapan sa gitna ng matinding hidwaan sa politika na nakaka-apekto sa ekonomiya ng bansa.

Aminado si Pacquiao na maraming problema ang kasalukuyang kinakaharap ng bansa kaya ang sigalutan sa pampolitika ang lalo pang nagpapadagdag sa suliranin ng Pilipinas kabilang na dito ang kahirapan at kawalan ng trabaho para sa mga Pilipino.

Muling iginiit ni Pacquiao ang kaniyang pangako sa mga patakarang nakasentro sa mga mahihirap kabilang na ang paglikha ng trabaho, aguda para sa mga maliliit na negosyo at suporta para sa hanay ng mga magsasaka at mangingisda.

“Hindi puwedeng makalimutan ang pangangailangan ng tao. Hindi dapat inuuna ang politika bago ang kapakanan ng bayan. Dapat unahin ang trabaho, edukasyon at serbisyong pang-kalusugan. Ang gobyerno ay para sa tao at hindi para sa iilan lang,” wika pa ni Pacquiao.

Habang papalapit na ang 2025 mid-term elections. Patuloy na dala ni Pacquiao ang kaniyang matibay na paninindigan. Ito ay ang labanan ang kahirapan, bigyang lakas ang mamamayan at pag-isahin ang bayan para sa mas matatag na kinabukasan.