Calendar
Pag-alis ng purchase booklet para sa seniors sinuportahan
TAMA LANG AT NAPAPANAHON!
Ito ang ipinahayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa desisyon ng Department of Health (DOH) na alisin ang requirement ng purchase booklet para makakuha ng diskwento sa gamot ang mga senior citizen.
“Malaking tulong ito sa ating mga senior citizens,” sabi ni Pimentel kung saan ay ipinunto niya na kadalasan dahil sa katandaan ay nawawaglit nila ang booklet at madalas ay agad mapuno at dahil dito ay hindi na makabili ng mga kinakailangan gamot na maintenance para sa kanilang kalusugan.
“As a senior citizen, relate ako diyan! Thumbs-up tayo sa aksyon ng DOH!” dagdag niya, na inilarawan ang pagbabago bilang isang makabuluhang pamasko para sa mahigit 9.2 milyong senior citizens sa bansa.
Binigyang-diin ni Pimentel ang kahalagahan ng pagbibigay ng abot-kayang healthcare sa mga senior citizen, na madalas mas vulnerable sa mga isyung pangkalusugan.
“Dati, napakahirap nilang mag-apply para sa discount, at kailangan pa nilang magdala ng maraming papeles. Ngayon, mas madali na para sa kanila na makuha ang mga gamot na kailangan nila,” ani Pimentel.
Pinuri rin niya ang DOH sa kanilang hakbang upang gawing mas simple ang proseso at mas madali para sa mga senior citizen na makuha ang kanilang benepisyo.
“Sana, patuloy na magkaroon ng mga pagbabago na makakatulong sa ating mga senior citizens,” sabi niya.
Hinimok din ni Pimentel ang lahat ng Pilipino na suportahan ang inisyatiba ng DOH at tiyakin na ma-access ng mga senior citizen ang serbisyong pangkalusugan na kailangan nila.
Samantala, nanawagan din si Pimentel sa mga local government units (LGUs) na gawing mas simple ang pamamahagi ng pamaskong regalo para sa mga senior citizen, binibigyang-diin ang kanilang kahinaan at pangangailangan ng espesyal na atensyon tuwing Kapaskuhan.