Calendar

Pag-aprub sa bagong bakuna vs dengue sinusulong
NANAWAGAN si Sen. Nancy Binay para sa pag-apruba ng isang bagong henerasyon ng dengue vaccine upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.
“I think napapanahon na para maaprubahan ang bagong dengue vaccine at kailangang tanungin natin ang Department of Health at Food and Drug Administration kung ano na ba ang status ng application dahil noong April 2023 pa ito naipasa,” ani Binay.
Ang bagong dengue vaccine na TAK003 mula sa Japanese manufacturer na Takeda mayroon nang lisensya sa mahigit 40 bansa kabilang ang Indonesia, Vietnam, Malaysia, Thailand, Brazil, at European Union.
Inirekomenda rin ito ng World Health Organization para sa dengue prevention sa mga bansang may mataas na kaso ng sakit, kabilang ang Pilipinas.
Ayon sa Department of Health (DOH), mahigit 43,000 na kaso ng dengue ang naitala mula Enero hanggang Pebrero 15, 2025.
Mas mataas ito ng 56 porsyento kumpara sa 27,995 na kaso sa parehong panahon noong 2024.
Karamihan sa mga kaso naitala sa Calabarzon, 9,111 na kaso; National Capital Region 7,551 na kaso; at Central Luzon na may 7,362 na kaso.
Ayon sa DOH, 17 lokal na pamahalaan mula sa mga rehiyong ito ang idineklarang dengue hotspots.
Iginiit ni Binay na maaaring hindi na sapat ang nakasanayang paraan ng gobyerno sa paglaban sa dengue.
“Kung paulit-ulit naman nating ginagawa ngunit pataas rin nang pataas ang kaso, baka naman kulang na at hindi epektibo ang 5S approach,” ani Binay.
Ang 5S strategy na ipinatutupad mula pa noong 1993 bilang bahagi ng pambansang programa sa dengue prevention at control binubuo ng: “Search and destroy” o pagsira ng mga lugar na maaaring pamahayan ng lamok; “Self-protection measures” o pagsasagawa ng personal na proteksyon laban sa kagat ng lamok; “Seek early consultation” o agarang pagpapatingin sa doktor kung may sintomas; “Support fogging/spraying” sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue; “Sustain hydration” o pananatili ng tamang antas ng tubig sa katawan.