Calendar
Pagagalingin ng Panginoon ang ating pagkabulag
Kagaya ni Bartimeo. Bulag din tayo dahil binulag tayo ng ating mga kasalanan
(Marcos 10:46-52)
MARAMI ang nagsasabi na ang pag-ibig daw ay bulag o “Love is Blind” sapagkat minsan hindi natin nakikita ang anomang kapintasan at kakulangan ng taong minamahal natin.
Minsan din naman binubulag tayo ng pag-ibig. Halimbawa, ang minamahal natin ay hindi guwapo o kaya ay maganda. Sinasabihan tayo ng mga kakilala natin na tayo daw ay “bulag” kasi hindi daw natin alintana at nakikita ang itsura ng taong minamahal natin.
Maaaring tama sila. Sapagkat hindi naman mahalaga para sa atin ang kaniyang panlabas na anyo. Kundi ang tinitignan natin ay ang nilalaman ng kaniyang puso.
Ang katuriwan natin, hindi na bale, kung hindi siya guwapo o maganda, ang mahalaga ay maganda at malinis naman ang kaniyang pagkatao.
Matutunghayan din natin sa Mabuting Balita (Marcos 10:46-52) ang kuwento ni Bartemeo na isang bulag at anak ni Timeo na matagal na panahong pinahirapan ng kaniyang karamdaman at maaaring nawawalan na rin siya ng pag-asa hanggang sa dumating si Hesus sa kaniyang buhay.
Mababasa natin sa Ebanghelyo na dumating ang Panginoong Hesus sa Jerico kasama ang kaniyang mga Alagad. Nang sila’y umaalis na sa lugar na iyon, nadaanan nila ang bulag na si Bartimeo na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. (Mk. 10:46)
Narinig ni Bartimeo na naroroon sa Jerico ang Panginoong Hesus kaya siya sumigaw ng “Jesus, Anak ni David. Mahabag po kayo sa akin”. (Mk. 10:47)
Subalit kahit sinaway at pinatatahimik ng mga tao si Bartimeo lalo lamang niyang nilakasan ang kaniyang pagsusumamo hanggang sa siya ay madinig ni Hesus at huminto para siya ipatawag. (Mk. 10:48-50)
Sa pagkakataong iyon muling bumalik ang paningin ni Bartimeo at tuluyan siyang nakalaya mula sa kaniyang pagkabulag dahil sa kaniyang malakas na pananalig sa Panginoong Diyos. (Mk. 10:51-52)
Maaari tayong maka-relate o magkaroon ng koneksiyon sa kuwento ni Bartimeo. Sapagkat gaya niya, tayo rin ay bulag subalit ang pagkabulag natin ay hindi sa pamamagitan ng pisikal na pagkabulag. Kundi sa pamamaraan ng espirituwal na pagkabulag o tinatawag na “spiritual blindness”.
May mga pagkakataon na sadyang binubulag tayo ng ating mga kasalanan. Pisikal na nakakakita nga ang ating mga mata, maliwanag ang ating paningin. Subalit “bulag ang ating pananampalataya” kaya hindi natin nakikita ang Panginoong HesuKristo kaya hindi nakakapagtakang inilulugmok tayo ng ating mga kasalanan.
Subalit saan nga ba humahantong ating pagkabulag? Minsan, sa sobrang pagkabulag natin hindi na natin nakikita na may mga nasasaktan tayong tao dahil sa mga maling ginagawa natin.
Hindi natin nakikita na nasasaktan na pala natin ang emosyon ng ating asawa at mga anak dahil sa pagkakaroon natin ng pangalawang pamilya. At hindi natin nakikita na ang landas na nilalakaran pala natin ay ang maghuhulog sa atin sa bangin.
Dahil sa pagkabulag natin sa kasalanan. Ilang tao na ba ang nalulong sa droga, ilang tao na ba ang nagtitiis ngayon sa mga kulungan dahil sila ay nakapatay matapos silang bulagin ng kanilang galit, ilang pamilya na ba ang nasira dahil nabulag sa bawal na pag-ibig at ilang tao na ba ang nabulag ng kasakiman sa kapangyarihan at salapi?
Ipinahamak lamang tayo ng ating pagkabulag. Kung pagninilayan nating mabuti ang kuwento ni Bartimeo na bagama’t pisikal na pagkabulag lamang ang kaniyang karamdaman.
Ngunit tinawag parin niya si Hesus upang pagalingin siya sa kaniyang karamdaman upang tuluyan siyang makalaya mula sa kaniyang pagkabulag.
Inaanyayahan tayo ng Pagbasa na bakit hindi rin natin subukan tawagin si Hesus at baka hinihintay rin niya tayo gaya ng pag-aantay niya kay Bartimeo.
Isigaw din natin ang “Jesus, Anak ni David, Mahabag po kayo sa akin”. Sigurado, maririnig tayo ng Panginoong Hesus at pagagalingin din niya ang ating pagkabulag.
Manalangin Tayo:
Panginoong Hesus, pagalingin po nawa ang aming pagkabulag. Bulag kami dahil sa aming mga kasalanan, magliwanag sana ang aming paningin upang makita ang daan patungo sa paggawa ng kabutihan.
AMEN