Tenorio Matagumpay ang naging pagbabalik ni LA Tenorio ng Barangay Ginebra. PBA photo

Pagbabalik ni ‘Iron Man’ Tenorio tagumpay

Robert Andaya Dec 5, 2023
220 Views

BINIGYAN ng nauukol na pagpupugay ng PBA ang naging matagumpay na pagbabalik ni superstar guard LA Tenorio ng Barangay Ginebra sa PBA Commissioner’s Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.

Masayang binati nina PBA commissioner Willie Marcial, vice chairman Bobby Rosales at Ginebra governor Alfrancis Chua ang nagbabalik na 5-9 guard sa halftime ng nakalipas na Ginebra-Terrafirma game.

Kasama ang kanyang asawa at kanilang mga anak, nagpasalamat naman si Tenorio sa Diyos, sa kanyang team at mga kapwa manlalaro pati na sa lahat na mga nagpakita ng suporta sa kanya.

Ito ang unang laro ni Tenorio, na tinatawag ding “Iron Man” ng PBA, matapos ma-diagnose ng stage 3 colon cancer at magpahinga mula sa paglalaro nung PBA Season 46 Governor’s Cup nung February

“Sobrang saya na nakabalik ako dito at saka panalo pa kami,” pahayag ng 39-year-old Tenorio, na naging cancer-free nung September 2023.

Hindi naman binigo ni Tenorio ang kanyang mga taga-suporta sa ginawang pagbabalik matapos itong magtala ng six points, three assists, one rebound at one steal sa 110-99 panalo ng Ginebra laban sa Terrafirma.

Naging masaya din si Ginebra coach Tim Cone sa muling paglalaro ni Tenorio.

“We know it’s an arduous journey to get back. Started in tears, now we have such joy for him getting back. We missed him, we missed his leadership,” pahayag ni Cone sa isang panayam na inilabas sa official PBA website.

Pakitang gilas sina import Tony Bishop, na may 26 points sa10-of-17 shooting at 11 rebounds at four assists, at Christian Standhardinger, na may 24 points, 10 rebounds, four assists at two steals sa panalo ng Ginebra.

Sa kasalukuyan, ang Ginebra ay tabla sa ikatlong pwesto sa Phoenix Super LPG sa 4-1 win-loss records.

Ang mga iskor:

Ginebra (110) — Bishop 26, Standhardinger 24, J. Aguilar 19, Malonzo 14, Ahanmisi 10, Tenorio 6, Pinto 6, Pessumal 3, Cu 2, Pringle 0, R. Aguilar 0, Gumaru 0.
Terrafirma (99) — De Liano 22, De Thaey 18, Carino 14, Tiongson 13, Go 10, Holt 7, Ramos 4, Mina 3, Alolino 2, Calvo 2, Cahilig 2, Camson 2, Cahilig 0, Miller 0.
Quarterscores: 25-29, 53-42, 83-68, 110-99.