Vargas

Pagbalik ng budget para sa libreng gamot, pasyente ng kanser hiniling

227 Views

HINIHILING ngayon ng isang dating Metro Manila congressman sa liderato ng Kamara de Representantes na maibalik sana ang alokasyon para sa libreng gamot at “cancer care and medical treatment” sa ilalim ng Cancer Assistance Fund (CAF) na nakapaloob naman sa 2023 proposed budget ng Department of Health (DOH).

Bilang principal author ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA) o Republic Act No. 11215 na naipasa noong 18th Congress, umaapela ngayon si dating congressman at kasalukuyang 5th Dist. Coun. Alfred Vargas sa liderato ng Kongreso matapos nitong mabalitaan na tinanggal sa 2023 budget ng DOH ang alokasyon para sa CAF.

Sinabi ni Vargas na mula sa P529 milyon pisong budget ngayong taon (2022). Hindi naman isinama ng Department of Budget and Management (DBM) sa kanilang National Expenditure Plan ang alokasyon o “appropriations” para sa CAF kung saan gagamitin ang pondo para sa “chemotherapy at cancer treatment”.

Ayon kay Coun. Vargas, napag-alaman nito na una ng iminumgkahi ng DOH sa Mababang Kapulungan na magkaroon ng P900 million piso na nakalaan para sa CAF at Cancer and Supportive-Palliatives Medicines Access Program (CSPMAP).

Umaasa ang kongresista na magkakaroon ng konsiderasyon ang mga dati nitong kasamahan sa Kamara upang maibabalik ang alokasyon para sa CAF na malaki aniya ang naitutulong para sa mga Pilipinong iginugupo ng kanser partikular na para sa kanilang pamilya.

“I am hopeful that the respective leaderships and former colleagues in Congress will reinstate life-saving CAF and even increase the budget for these key programs. This would help alleviate the burden of cancer patients and their families especially since most if not all of them are still recovering from the effects of the pandemic,” sabi ni Vargas.

Sinabi pa ni Vargas na ilan sa kaniyang mga dating kasamahang mambabatas sa ilalim ng 18th Congress ang nagbigay ng karagdagang alokasyon para sa CAF at nagpahayag pa ng kanilang kompiyansa na maipagpapatuloy ang CAF program sa ilalim ng 19th Congress.