DILG

Pagbenta ng fire extinguishers kapalit ng fsafety clearance bawal–DILG

Jun I Legaspi Feb 7, 2025
12 Views

NAGBABALA si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla laban sa mga modus ng ilang mga fire personnel na nagbebenta ng fire extinguishers sa mga negosyante kapalit ng fire safety clearances para sa kanilang mga negosyo.

“Bawal magbenta ng fire extinguisher ang mga fire marshal at kung may ganon ireport n’yo kaagad sa akin at tatanggalin ko ‘yan on-the-spot,” paalala ni Remulla.

Sinabi ni Remulla na noong gobernador siya ng Cavite, pinagagalitan niya ang mga fire personnel na nasasangkot sa mga ilegal na gawain tulad ng pagsuporta sa mga kontratista para sa fire sprinklers.

“Galit na galit ako doon. Kalokohan ‘yan e. Bakit mo pinapahirapan ang negosyo? Nagbibigay ng trabaho ‘yan tapos gusto mo pagkakitaan lang,” sabi ni Remulla.

Mahigpit na ipinagbabawal ng BFP Memorandum Circular 2016-016 ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na magbenta ng fire extinguishers at mag-endorso ng mga manufacturer, dealer, o supplier ng kagamitan sa paglaban sa sunog.

Nasa Cebu si Remulla noong Miyerkules para sa isang interfacing activity kasama ang mga lokal na pinuno ng lalawigan sa provincial capitol.

Sa nasabing aktibidad, hinikayat niya ang mga LCEs na anyayahan ang mga negosyante na magsampa ng reklamo laban sa mga maling gawain ng BFP personnel na nasasangkot sa mga ilegal na aktibidad at nagpapaliban sa pag-isyu ng fire clearances.

“Mga alkalde, paki-encourage ang mga negosyante na magsampa ng ARTA complaint. Kung ma-delay pa ng higit sa isang linggo, mag-file ng ARTA complaint at ako mismo ang mag-aasikaso na ma-discipline sila,” aniya.

Ayon sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business (EODB) Law, ang BFP mag-iisyu ng Fire Safety Evaluation Clearance (FSEC) at Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) sa mga negosyo sa loob ng pitong araw.