Cojuangco

Pagbubukas ng BNPP isinulong

Mar Rodriguez Sep 8, 2022
194 Views

MULING isinusulong ng isang Northern Luzon congressman ang pagbubukas ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) matapos nitong imungkahi ang paggamit ng “nuclear energy” bilang epektibong solusyon kaugnay sa napakataas na singil sa kuyente.

Iginiit ni Pangasinan 2nd Dist. Cong. Mark O. Cojuangco, Chairman ng House Special Committee on Nuclear Energy, na malaking bagay ang magagawa ng muling pagbubukas ng BNPP upang mapababa ang nakapataas na “electricity rates” sa bansa.

Ipinaliwanag ni Cojuangco na ang kaniyang isinusulong na panukala hinggil sa pagbubukas ng nasabing planta ay isang magandang pagkakataon upang makahanap ng alternatibo ang pamahalaan para sa tinatawag na “source of energy” tulad ng nuclear energy.

Binigyang diin pa ni Cojuangco na hindi na dapat pang antayin na ang mamamayan na mismo ang huminto o tumigil sa paggamit ng kuryente dahil hindi na nila makakayanang bayaran pa ang napakataas na presyo ng kuryente na dagdag pasanin sa kanila.

“Huwag na po natin hintayin na kailangan pa nating paki-usapan an gating mga kababayan na huwag gumamit ng kurente o sila na mismo ang tumigil sa paggamit nito dahil napakataas na presyo ng ating kuryente. This is the perfect opportunity for us to find an alternative source of electricity to ensure enough supply for our growing and consumption,” sabi ni Cojuangco.

Sinabi din ng kongresista na nakakalungkot lamang sapagkat ginagamit umano ng ilang sector ang BNPP para pasamain ang imahe ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.

Gayunman, naniniwala si Cojuangco na sa gitna ng napakataas na presyo ng kuryente sa bansa ay ngayon aniya mapapatunayan na tama ang naging desisyon at plano ng dating Pangulo na ipatayo ang BNPP.

“15 taon ko na pong binubusisi ang BNPP at napatunayan ko na ito’y isang napakahusay na planta. Magandang-maganda ang pagkakagawa, mahusay ang pagpa-plano. Kaya marahil ay panahon na para subukan naman natin ang nuclear energy na mas mura at mas safe,” dagdag pa ni Cojuangco.