Pagdedeklara sa Bagacay Point Lighthouse sa Liloan Cebu bilang isang tourist destination isinulong ni Cong. Duke Frasco

Mar Rodriguez May 30, 2023
158 Views

PAGKATAPOS ng matagumpay na “grand opening” ng Pier 88. Nakatutok naman ang atensiyon ni House Deputy Speaker at Cebu City 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco sa Bagacay Point Lighthouse sa Munisipalidad ng Liloan upang maideklara ito bilang tourist destination.

Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 105 na isinulong ni Frasco sa Kamara de Representantes na naglalayong maideklara bilang isang tourist destination ang pamoso o sikat na Bagacay Power Lighthouse na matatagpuan sa munisipalidad ng Liloan sa lalawigan ng Cebu.

Sinabi ni Frasco na ang bayan ng Liloan ay itinuturing na isang “first class municipality” sa nasabing lalawigan na mayroong kabuuang population na 153,197 residente sa labing-apat (14) na barangay. Kung saan, ang kabuuang land area ng Liloan ay nasa 5,210 hektarya.

Ipinabatid pa Frasco na ang bayan ng Liloan ay tahanan umano ng iba’t-ibang likas yaman at man-made tourist detinations partikular na ang ipinagmamalaking Bagacay Point Lighthouse na tinatawag na Parola sa Liloan.

Nabatid pa sa kongresista na unang itinayo ang Bagacay Point Lighthouse sa ilalim ng dating administrasyon ni Governor William Howard Taft noong 1901. Ito’y mayroon umanong taas na 72 feet at nagbibigay ng liwanag hanggang 17 nautical miles na nagsisilbing giya ng mga naglalayag na barko.

Ipinaliwanag din ni Frasco na ang Bagacay Lighthouse ang ilan na lamang sa mga natitirang “lighthouses” na nagpapakita ng “American architecture” sa Pilipinas kaya mahalaga din na mapanatili ang kasalukuyang ayos nito.

Naniniwala si Frasco na sakaling maideklara ang nasabing lighthouse bilang isang tourist destination marami aniyang lokal at dayuhang turista ang dadagsa sa Cebu patra bisitahin ang lugar na ito na inaasahang magbibigay ng malaking ganansiya sa ekonomiya ng lalawigan.