Magsino

Pagkilala ng EC sa PH certificate para sa Pinoy seafarers pinuri

Mar Rodriguez Apr 3, 2023
199 Views

PINAPURIHAN ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes ang desisyon ng European Commission na ipagpapatuloy nito ang pagkilala sa inilabas na certificate ng pamahalaan o “Philippine issued certificate” para sa mga Pilipino seafarers.

Sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na noong 2020 ay nagsagawa ng audit ang European Union (EU) at European Maritime Safety Agency (EMSA) sa Pilipinas kung nakakatugon ba ang bansa sa Standard of Training Certificate and Watch keeping (STCW) para sa mga seafarers.

Ipinaliwanag ni Magsino na alinsunod sa isinagawang auditing ng EU at EMSA, natukalasan ng mga ito na mayroong tinatawag na “deficiencies at inconsistencies” kaugnay sa competencies na sakop naman ng education at training programs para sa mga Pilipino seafarers.

Dahil dito, nabatid pa kay Magsino na noong nakaraang December 20, 2021 ay nagpadala ng abiso o notification ang European Commission (EC) sa gobyerno ng Pilipinas upang hingiin dito ang pagtugon ng bansa sa STCW batay sa inspeksiyon na isinagawa naman ng EU at EMSA noong 2020.

Ayon kay Magsino, ang sinasabing non-compliance ng gobyerno ng Pilipinas sa international standards ay maaaring humantong sa pagpapataw ng sanctions laban sa pamahalaan kabilang na dito ang hindi pagkilala sa STCW certificate na inilabas ng Philippine government.

Bunsod nito, hindi aniya papayagan ang mga Filipino seafarers na mag-qualify sa board European flag-registered ocean-going vessel o hindi papayagan ang mga Filipino seafarers na maglayag sa karagatan.

Sinabi ni Magsino na matagal aniya nilang ipinaglalaban ang kapakanan ng mga Filipino seafarers at binabantayan ang mga ahensiyang dapat umayos ng kanilang STCW kabilang na dito ang MARINA.