Southbound

Pagkumpuni ng southbound lane ng Kamuning flyover vs The Big One tapos na

Edd Reyes Aug 15, 2024
73 Views

SA loob lamang ng tatlong buwang pagkukumpuni, puwede ng madaanan ng mga motorista ang southbound lane ng Kamuning flyover sa Quezon City matapos itong buksan sa daloy ng trapiko Huwebes ng umaga.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Atty. Don Artes, sa Oktubre pa nakatakdang matapos ang pagsasa-ayos na itinakda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa flyover subalit upang hindi masyadong masakpripisyo ang kapakanan ng publiko at mga motoristang naiipit sa masikip na daloy ng trapiko, nagdoble-kayod ang kontratistang nakakuha ng proyekto kaya’t maaga itong nabuksan sa daloy ng trapiko.

Sinabi ni Artes na isinagawa ang pagkukumpuni upang lalu pang maging matatag ang Kamuning flyover kung sakali’t dumating ang “The Big One” na lindol.

Sinabi naman ni DPWH National Capital Region (NCR) Regional Director Loreta Malaluan na patuloy pa rin naman ang pagtatrabaho sa ilalim naman ng flyover upang maging matibay pang lalu ito.

Batay sa datus ng MMDA Traffic Engineering Center, umaabot sa 24,000 mga sasakyan at 23,000 motorsiklo ang araw-araw na tumatahak sa southbound lane ng naturang tulay.

Kaugnay nito, sinabi ni Artes na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang ahensiya para naman sa pagsasa-ayos ng Guadalupe Bridge, Magallanes flyover at iba pang tulay sa Makati City.

Sinabi niya na kasalukuyan ng isinasailalim sa rehabilitasyon ang Magallanes flyover pero ginagawa lang ito sa dis-oras ng gabi upang hind imaging sagabal sa mabilis na daloy ng trapiko habang ang pagkukumpuni naman sa Guadalupe Bridge ay kasalukuyan pang binabalangkas ang mga plano dahil kailangang may pansamantalang tulay na madaraanan ang mga motorista sa oras na inumpisahan na ito.