Calendar
Paglabas ng pondo sa 896 bgy pasado sa 13th City Council
PASADO na sa 13th City Council na pinangunahan ni Vice Mayor Chi Atienza bilang Presiding Officer ang paglalabas ng pondo para sa 896 na barangays sa Maynila.
Sa ipinasang resolusyon para sa budget ng lahat ng barangay sa lungsod Huwebes ng hapon,sinabi ni Atienza na tagumpay ito para sa epektibong pamamahala lalu’t nakatuon ang kanilang administrasyon sa paghahanap ng mabilis na solusyon sa kasalukuyang pagbabago.
“Under the leadership of our Mayor, nakakatuwa dahil nakita niya ang importansya na maibigay ito, This shows that this government really values ang mga barangay dahil instantly, kahit salat sa pondo, ginawan ng paraan para mai-release ito agad sa mga barangay,” pahayag ng bise alkalde.
Sa ilalim ng ipinasang resolusyon, nag-aatas ito ng isang estratehikong paglalaan ng pondo para matiyak na sa karapat-dapat mapupunta ang salapi gaya ng 85% sa operation at capital outlay, 10% sa Sangguniang Kabataan (SK), at 5% sa disaster risk reduction.
Ayon kay Councilor Erika Platon, Pangulo ng Liga ng mga Barangay, ang inaprobahang budget ay napakalaking kaluwagan sa mga Manileños dahil maraming matutulungan ang mga Kapitan ng Barangay, pati na ng mga SK Chairman.
Kabilang sa mga pangunahing konsehal na pumuri rin sa pagiging maparaan ng administrasyon sa pagsasaayos ng mga obligasyon sa komunidad sina Konsehal Yanyan Ibay, Lou Veloso, Lady Quintos-Tan at mga miyembro ng majority bloc.
“Kahit tayo ay medyo kapos sa pananalapi, pinipilit ni Mayor Isko Moreno Domagoso na bayaran ang mga natirang responsibilidad ng nakaraang administrasyon,” pahayag ni Veloso.
