Rider wala ng helmet, may boga pa, timbog

164 Views

ARESTADO ang isang lalaki ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pagdadala ng baril na walang lisensya o anumang dokumento.

Ayon sa report ng Masambong Police Station, nahuli ang lalaki dakong alas-9:21 ng umaga noong Disyembre 10 ng pahintuin habang sakay ng motorsiklo dahil walang helmet at hindi maayos ang pananamit.

Habang isinasagawa ang inspeksyon, hindi pumayag na isyuhan siya ng traffic violation ticket kaya dinala siya ng mga pulis sa istasyon para maberipika.

Habang sinusuri ng mga pulis ang mga dokumento ng motorsiklo, nakita sa compartment ang isang pen gun at at dalawang live ammunition.

Nang hingan ng kaukulang dokumento o patunay ng awtorisadong pagmamay-ari ng baril, bigo ang suspek na magprisenta ng anumang dokumento.

Nadiskubre rin sa rekord na marami ng kaso ang suspek gaya ng paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Law) at Article 315 ng Revised Penal Code (estafa).

Nakahanda nang sampahan ang suspek ng mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 10054 (Motorcycle Helmet Act of 2009), RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code) at Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of Such Person) sa Quezon City Prosecutor’s Office.