Calendar
Paglaganap ng mga pekeng trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng “online job scammers” nais paimbestigahan
BUNSOD nang talamak na panggagantso sa internet sa pamamagitan ng “online job scammers”. Nais ng isang Metro Manila Lady solon na magkaroon ng masusing imbestigasyon ang Kamara de Representantes kaugnay sa nasabing issue na nag-aalok ng mga pekeng trabaho sa ibayong dagat.
Dahil dito, inihain ni House Deputy Speaker at Las Pinas Lone Dist. Congresswoman Camille A. Villar ang House Resolution No. 899 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para maikasa ang isang “full blown” o malawakang imbestigasyon hinggil sa illegal recruitment na nangyayari sa internet o online.
Binigyang diin ni Villar na masyado na aniyang palasak ang pag-aalok ng mga peke o non-existence na trabaho sa ibayong dagat na ang kadalasang nabi-biktima ay ang mga kabataang Pilipino na atat na atat makakuha ng trabaho.
Sinabi ni villar na napaka-importanteng mahuli at mapanagot sa batas ang mga :scammers” nasa likod ng ganitong modus-operandi. Sapagkat hindi mahihinto ganitong uri ng kabulastugan hangga’t walang nasasampolang scammers na pasimuno ng online job scamming.
Ikinatuwiran ng kongresista na hindi na aniya mabilang sa daliri ang mga nakalap niyang balita patungkol sa dami ng mga kabataang Pilipino na biniktima ng sindikato kabilang na ang mga kahina-hinalang local job placement agencies na nag-aalok ng mga pekeng trabaho sa ibang bansa.
Iminumungkahi naman ni Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na magkaroon ng isang malawakang “crackdown” ang pamahalaan laban sa illegal recruitment sa bansa kasama na dito ang mga “online job scammers”.
Iginigiit ni Magsino na kailangang seryosohin ng pamahalaan ang pagsawata sa mga illegal recruitment agencies na walang habas na nagbi-biktima ng mga job applicants sa abroad. Kung saan, sinasamantala ng mga sindikato ang pagnanais ng mga Pilipino na makapag-trabaho sa ibang bansa.