Pacquiao

Pagpapa-unlad sa Mindanao, isa sa mga tututukan ni Pacquiao pagbalik sa Senado

Mar Rodriguez Feb 16, 2025
40 Views

Carmen, Davao Del Norte – SAKALING siya’y papalarin na makabalik sa Senado sisikapin ng tinaguriang “Pambansang Kamao” at Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao na tutukan ang problema ng Mindanao upang makamit na nito ang mailap na pag-unlad o progreso.

Ipinangako ng senatorial bet ng administrasyon sa pangunguna ni Pacquiao – tubong Mindanao din mula sa General San City – na tututukan nila ang mga pangunahing problema ng Mindanao na nagsisilbing balakid sa pag-unlad nito.

Binigyang diin ni Pacquiao na sisikapin nitong magbalangkas ng mga programa at adbokasiya sakaling makabalik siya sa Senado upang tuluyan ng matuldukan ang mga problemang kinakaharap ng Mindanao lalo na sa larangan ng ekonomiya at imprastraktura.

Sinabi ng dating senador na malapit sa kaniyang puso ang Mindanao kaya gagawin nito ang lahat ng kaniyang magagawa para mai-angat ang kalunos-lunos na kalagayan ng lalawigan at sisikapin din nitong hindi na muling maiiwan ang Mindanao.

Ikinalulungkot din ng dating eight-division world boxing champion na sa kabila ng malaking pondo ang inilalaan para sa nasabing rehiyon ay nananatiling under-developed ang Mindanao kung saan masyado na itong napag-iiwanan sa loob ng mahabang panahon.

Ipinagtataka din ni Pacquiao na bagama’t limpak-limpak na salapi ang ginugugol ng pamahalaan para sa Mindanao subalit nananatiling mabagal aniya ang pag-usad ng Mindanao.

Dahil dito, muling iginiit ni Pacquiao na ang problema ng Mindanao ang nagsisilbing adbokasiya ng APBP Senatorial bets upang matugunan na sa lalong madalong panahon ang mabagal na pag-asenso ng rehiyon sa pamamagitan ng paglalatag ng mga solusyon.