Magsino1

Pagsasa-ayos ng mga Phil. Embassy at Konsulado sa abroad, tututukan ni Magsino

Mar Rodriguez Aug 9, 2024
73 Views

𝗦𝗔 𝗻𝗮𝗹𝗮𝗹𝗮𝗽𝗶𝘁 𝗻𝗮 𝗯𝘂𝗱𝗴𝗲𝘁 𝗵𝗲𝗮𝗿𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗗𝗲𝗽𝗮𝗿𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗼𝗳 𝗠𝗶𝗴𝗿𝗮𝗻𝘁 𝗪𝗼𝗿𝗸𝗲𝗿𝘀 (𝗗𝗠𝗪), i𝗽𝗶𝗻𝗮𝗵𝗮𝘆𝗮𝗴 𝗻𝗶 𝗢𝗙𝗪 𝗣𝗮𝗿𝘁𝘆 𝗟𝗶𝘀𝘁 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗠𝗮𝗿𝗶𝘀𝘀𝗮 “𝗗𝗲𝗹 𝗠𝗮𝗿” 𝗣. 𝗠𝗮𝗴𝘀𝗶𝗻𝗼 𝗻𝗮 𝘁𝘂𝘁𝘂𝘁𝘂𝗸𝗮𝗻 𝗻𝗶𝘁𝗼 𝘀𝗮 𝗻𝗮𝘀𝗮𝗯𝗶𝗻𝗴 𝗮𝗵𝗲𝗻𝘀𝗶𝘆𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝗯𝘂𝘁𝗶 𝗻𝗴 𝘀𝗲𝗿𝗯𝗶𝘀𝘆𝗼 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗘𝗺𝗯𝗮𝘀𝘀𝘆 𝘀𝗮 𝗶𝗯𝗮’𝘁-𝗶𝗯𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗶𝗴 𝗻𝗴 𝗺𝘂𝗻𝗱𝗼 𝗸𝗮𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮 𝗱𝗶𝘁𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗞𝗼𝗻𝘀𝘂𝗹𝗮𝗱𝗼.

Ito ang nabatid kay Magsino sa panayam ng People’s Taliba.

Aniya, sa oras na humarap na ang DMW sa House Committee on Appropriations para depensahan ang kanilang 2025 proposed national budget para sa susunod na taon, nais nitong tutukan ang mga nasabing issues.

Paliwanag ni Magsino, importante na magkaroon ng sapat na kakayahan at tauhan ang mga Embahada ng Pilipinas pati na ang mga Konsulado para mabilis nilang matugunan ang pangangailangan at reklamo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Nauna nang sinabi ni Magsino na sa pagharap ng DMW sa isinasagawang budget deliberations ng Kamara de Representantes, ilang mahahalagang usapin ang kaniyang ipapahayag para sa kapakanan at kagalingan o welfare ng mga OFWs kasama na ang mga Pinoy seafarers.

Ayon sa kinatawan ng mga OFWs, hihilingin nito ang mas mataas na pondo para sa isasagawang repatriation at emergency assistance program para sa mga naturang migrant workers na nahaharap sa komplikadong sitwasyon sa ibayong dagat.

Sabi ni Magsino, kaya kinakailangan aniyang tiyakin na mayroong sapat na pondo para sa agarang pagpapadala ng tulong sa mga OFWs na nasa bingit ng panganib o kaya ay agarang maiuwi ng Pilipinas dulot ng masalimuot na sitwasyon sa bansang pinagta-trabahuhan nila.

“Tututukan ko ang pagpapabuti ng mga serbisyo ng ating mga Embahada at Konsulado. Importante na magkaroon sila ng sapat na kakayahan at tauhan upang mabilis na matugunan ang pangangailangan at reklamo ng mga OFWs,” sabi ni Magsino.