Alvarez1

Pagsasabatas ng Divorce Bill bago inaasahan

Mar Rodriguez May 12, 2023
171 Views

OPTIMISTIKO si dating House Speaker at Davao del Norte 1st. Dist. Congressman Pantaleon “Bebot” D. Alvarez na makakahabol at makakapasa sa nalalabing sesyon ng Kongreso ang kaniyang “Divorce Bill” bago ang nakatakdang “Sine Die Adjournment” nito sa darating na Hunyo.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Alvarez na hinihintay lamang nila na ma-schedule na para sa plenary debate ang inihain at inakda nitong House Bill No. 4998 na nagsusulong ng diborsyo sa Pilipinas pagkatapos itong aprubahan sa Committee Level at nakatakda ng isalang sa plenaryo.

Bagama’t mayroon na lamang tatlong linggong nalalabi sa session ng Kamara de Representantes bago ang “sine die adjournment”, sinabi ni Alvarez na hinihintay na nila na maisalang para sa 2nd reading ang kaniyang panukala subalit hindi rin aniya imposible na umabot pa ito sa 3rd and final reading sa Kongreso.

Ipinaliwanag din ni Alvarez na umaasa siya na makakakuha siya ng suporta mula sa mga Senador upang tuluyang maisabatas ang House Bill No. 4998 sakaling pumasa ang nasabing panukala sa Mababang Kapulungan.

Ayon kay Alvarez, kabilang sa mga senador na maaaring magtulak o magsulong sa kontrobersiyal na “Divorce Bill” para tuluyan na itong maging batas ay ang mga Senador na nanggaling sa Kongreso. Isa na aniya dito si Senator at dating Taguig-Pateros Congresswoman Pia Cayetano.

Nauna rito, nagbigay ng deadline si House Speaker Ferdinand “Martin” Gomez Romualdez na mayroon na lamang apat na linggo ang session ng Kamara de Represenatntes para tapusin nito ang pagpasa ng mga “priority measures” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Gayunman, binigyang diin pa ni Alvarez na wala umano siyang nakikitang balakid o dahilan para hindi maipasa at makahabol ang kaniyang “Divorce Bill” upang tuluyan ng itong maisabatas kahit pa ilang linggo na lamang ang nalalabi sa sesyon ng Kongreso bago ang adjournment.

“I don’t see any reason why bakit hindi makakahabol as long as mayroon talagang tututok duon sa ating Divorce Bill. Pero medyo masigasig naman ang lahat ng mga authors ng panukalang batas na ito dahil napakarami ang authors ng panukalang ito kaya I think makakapasa ito before Congress adjourns,” ayon kay Alvarez.

Sinabi ni Alvarez na kabilang sa mga kongresista na masigasig na nagtutulak sa “Divorce Bill” ay sina Albay 1st Dist. Congressman Edcel C. Lagman at Bagong Henerasyon (BH) Party List Congresswoman Bernadette Herrera.

“Ang isa diyan sa mga masigasig na kongresista na talagang nagtutulak nitong panukalang batas na ito ay si congressman Lagman (Edcel).

Yung isa si congresswoman BH. Marami pa sila, kasi itong panukalang ito eh ito lang yata ang batas na pati Minority Bloc ay kasama,” dagdag pa ni Alvarez.