Calendar

Pagsasagawa ng imbestigasyon sa pagguho ng tulay sa Isabela sang-ayon si Madrona
SINASANG-AYUNAN ni re-electionist Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ng Lone District ng Romblon ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon patungkol sa pagguho kamakailan ng Cabagan-Sta Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela.
Paliwanag ni Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na nararapat lamang na magkaroon ng imbestigasyon tungkol sa pagguho ng nasabing tulay sa Isabela dahil napakalaking pera ang ginugol para dito na nagkakahalaga ng P12 bilyon.
Pagbibigay diin ni Madrona na nararapat din na mapanagot ang mga contractor na responsable sa pagpapatayo ng Cabagan-Sta. Maria Bridge dahil lumalabas na “substandard” ang mga ginamit ng materyales para sa konstruksiyon nito dahil sa pagguho.
Magugunitang ang naturang tulay na natapos noong Pebrero 1, 2025 ay gumuho noong nakalipas na Pebrero 27 matapos itong tawirin ng isang malaking truck na may kargang mga bato na tinatayang nasa humihit kumulang 102 tonelada ang bigat nito.
Sabi ng kongresista na dapat din magpaliwanag ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil naman sa pagpapatuloy ng retrofitting works ng tulay kasabay ng pag-ako nito sa magiging gastusin nang hindi pinapatupad ang warranty probisyon.
Samantala, pinangunahan ni Madrona ang serye ng “Ugnayan ng Gobyerno at Taong Bayan” sa Munisipalidad ng Cajidocan, Romblon kasama ang Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng public dialogue at consultations.
Ayon kay Madrona, layunin nito na magkaroon ng makabuluhan at malusog na pag-uusap sa pagitan ng mga lokal na opisyal ng Romblon at mga residente upang direktang malaman ang hinanaing at problemang kinakaharap ng mga Romblomanon. Kasunod din ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan. Habang binigyan din sila ng pagkakataon na maglahad ng kanilang mga problema.