Valeriano

Pagtanggal sa color coding scheme window pag-uusapan

Mar Rodriguez Nov 9, 2023
167 Views

INIHAYAG ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na makikipag-ugnayan ang Komite sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para kompirmahin ang napabalitang plano ng ahensiya na permanenteng tanggalin ang “window” sa “color coding scheme”.

Sa panayam ng People’s Taliba, ipinaliwanag ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano, Chairman ng Committee on Metro Manila Development, na makipag-ugnayan at makipag-usap sila sa MMDA para kompirmahin ang plano nitong tanggalin ang implementasyon ng “window” sa Metro Manila.

Nabatid kay Valeriano na sakaling itutuloy nga ng MMDA ang kanilang plano. Kinakailangan nilang makahanap ng mga alternatibo at isang mabisang solusyon para hindi masyadong mahirapan ang napakaraming motorista na inaasahang maaapektuhan ng napipintong plano ng MMDA.

Sinabi ng kongresista na kinakailangang paghandaan ang napakatinding problema at inconvenience na maaaring idulot ng permanenteng pagwawaksi ng MMDA sa ‘window” ng color coding scheme. Sapagkat maraming motorista ang nagma-may-ari lamang ng isang sasakyan at wala na silang alternatibo.

Binigyang diin ni Valeriano na inaasahan na maraming motorista ang magre-reklamo at mag-iinit ang ulo dahil sa ikakasang plano ng MMDA. Gayunman, kailangan parin umanong mabigyan ng pagkakataon ang ahensiya na maipatupad ang kanilang plano para makita man lang ang magiging resulta nito.

“We expect a lot of inconveniences on the part of vehicle owners on this but it will not be fair if we do not give this policy its chance to prove or disprove itself. Our committee will communicate with the MMDA to confirm this plan. If true, we will have to see if this will work,” paliwanag ni Valeriano.

Pinayuhan din ni Valeriano ang MMDA at Department of Transportation (DOTr) na bago ang pagpapatupad ng nasabing plano ay kailangan muna nilang magkaroon ng koordinasyon sa isa’t-isa para mapag-usapan nila ang mga hakbang para hindi naman masyadong mahirapan ang mga motorista.

“The no-window number coding will certainly get the ires of the public. Likewise, the MMDA and DOTr must jointly study the increased TNVS car and motorcycle units plying our roads. They were intended to be limited in number servicing the supposed ride-sharing,” sabi pa ni Valeriano.