Romero1

Pagtatag ng Department of Sports pangarap ni Romero

Mar Rodriguez May 1, 2023
431 Views

HINAHANGAD nang 1-PACMAN Party List Group sa Kamara de Representantes na lalo pang mapahusay ang naghihingalo nang kalagayan ng Philippine sports. Kasabay din nito ang pagpapabuti sa kalagayan ng mga Filipino athletes at coaches.

Ito ang pangarap ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., para sa sport ng bansa. Kaya isinulong nito ang House Bill No. 335 sa Kamara de Representantes upang mas lalo pang mapagbuti ang kalagayan ng Philippines sports kabilang na ang mga Pilipinong atleta.

Ipinaliwanag ni Romero na itinatag ang Philippine Sports Commission (PSC) sa bisa ng Republic Act No. 6847 noong 1990. Subalit makalipas ang 32 taon mula ng maitatag ang nasabing ahensiya. Hanggang sa kasalukuyan aniya ay nahihirapan itong maisakatuparan ang kanilang mandato.

Binanggit ni Romero na nabigo ang PSC na maibigay nito ang nararapat na pamamahala para sa Philippine sports. Kabilang na dito ang pagbalangkas ng mga polisiya at pagtatakda ng mga priorities nito para naman sa mga national amateur sports at ang development nito.

Sinabi ni Romero na sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. napapanahon na para matugunan ang mahigpit na pangangailangan ng Philippine sports kasama ang mga atleta at coaches. Dapat aniyang aksiyunan ang mga problemang kinakaharap nito sa loob ng mahabang panahon.

Ikinalungkot din ng kongresista na maaaring lumipas na ang tinatawag na “golden years” ng Philippines sports. Ito aniya ang mga panahong itinuturing ang mga Filipino athletes bilang mga mabibigat at mahigpit na contender sa iba’t-ibang sports events. Kabilang na ang pagkakapanalo ni Mansueto “Onyok” Velasco ng silver medal sa boxing noong 1996 Atlanta Olympics.

Dahil dito, binigyang diin ni Romero na layunin ng kaniyang panukalang batas na ma-address ang iba’t-ibang hamon at problemang kinakaharap ng Philippine sports sa pamamagitan ng pagtatatag ng Department of Sports, isang Cabinet level agency, na tutugon sa mga pangangailangan at development ng sports.

Malaki ang paniniwala ni Romero na mas matututukan ng Department of Sports ang mga pangunahing problema ng Philippine sports sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga polisiya kabilang na dito ang pagtugon din sa mga pangangailangan ng mga Philippine coaches, trainers, athletes at sports officials.