VIrus

Pagtatag ng Virology Institute of PH itinutulak

63 Views

NAGTUTULUNGAN sina Sens. Alan Peter at Pia Cayetano para maitatag ang Virology Institute of the Philippines (VIP), isang ahensya na tututok sa pag-aaral ng mga virus at paggawa ng mga bakuna.

Itinulak ito ng magkapatid na senador sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2893 sa ilalim ng Committee Report No. 196 na naglalayong magtatag ng VIP bilang tugon sa lumalaking banta ng mga pathogen at mga agent na nagdudulot ng sakit na nakakaapekto sa mga tao, hayop, at halaman.

Sa pagtalakay sa kahalagahan ng panukala, binigyang-diin ni Sen. Pia Cayetano na ang paglikha ng VIP tutulong at susuporta sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at magpapalakas sa pananaliksik at pagpapaunlad ng bansa sa mga sakit na viral.

Kasalukuyang pinangangasiwaan ng RITM ang mga programa sa pananaliksik na nakatuon sa mga nakakahawa at tropikal na mga sakit.

Kapag naitatag na, palalawakin ng VIP ang kapasidad ng bansa na pag-aralan ang mga umuusbong at umuulit na viral disease at bumuo ng mga bakuna.

Pinasimulan ni Sen. Alan Peter Cayetano ang public hearing sa panukala noong April 2024 kung saan binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagtugon sa mga hamon sa kalusugan at ekonomiya.

“The entire government must, and will, act quickly to address the public health and economic crisis that threatens the lives and livelihood of our kababayan,” wika niya.

Una nang tinalakay ang VIP Act sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan nakakuha ito ng malaking suporta mula sa 18th Congress.

Bukod sa mga Cayetano, co-author ng panukalang batas sina Sens. Christopher Lawrence Go, Jinggoy Estrada, Loren Legarda, Juan Miguel Zubiri, Sherwin Gatchalian, Ramon Bong Revilla Jr., Mark Villar, Joseph Victor Ejercito, Joel Villanueva, Robinhood Padilla, Raffy Tulfo, Manuel Lapid at Cynthia Villar.