Edd Reyes

Pagtutulungan ng local, nat’l gov’t sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng lungsod, munisipalidad mahalaga

Edd Reyes Oct 1, 2024
82 Views

MALAKING bagay ang pagtutulungan ng local at national government sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng isang lungsod o munisipalidad, maging ang kabuhayan ng kanilang mamamayan, lalu na kung hindi mahahaluan ng pulitika.

Nahahaluan kasi ng pulitika kapag hindi magka-alyado at may kanya-kanyang ambisyon ang nakaupong alkalde at kinatawan sa Kongreso ng isang lungsod o munisipalidad na ang apektado ay kabuhayan ng kanilang mamamayan.

Marami na kasing patunay na mabilis ang pag-unlad ng isang lungsod o munisipalidad kung tunay at wagas ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga nakaupong pinuno at kinatawan na may parehong hangarin para sa kanilang mga constituents.

Ilan sa magandang halimbawa ang mga lungsod na pinamumunuan, kung hindi man magkapatid, ay mag-ama o mag-ina, na mabilis na naipagkakaloob ang wastong serbisyo at pangangailangan ng kanilang mamamayan.

Batid ito ng kanilang mga nasasakupan kaya kahit ano pang batikos at paninira hinggil sa nangyayaring pagpapalitan sa puwesto ng mag-ama, mag-ina o magkapatid, sila pa rin ang iniluluklok ng kanilang mamamayan dahil dama nila ang tamang serbisyong kanilang inaasahan.

Ngayon pa nga lang, kahit mahigit limang buwan pa bago simulan ang 45-araw ng kampanyahan ng mga kandidato sa lokal na posisyon, ilang mga lungsod sa Metro Manila ang tila alam na kung sino ang muling mauupo sa puwesto.

Dito nga lang sa Caloocan City, marami ang nagsasabing hugando o liyamado na sa laban ang mag-amang Mayor Along at Cong. Oca Malapitan, lalu na’t suportado pa sila ng mga administration candidate sa national position.

Napatunayan ito nang magdaos ng proclamation rally si Mayor Along at Cong Oca na kinuyog talaga ng napakaraming tao na kung hindi kinontrol ng lokal na pamahalaan ay baka hindi nakapasok sa sports complex ang mga panauhin.

Hindi naman siguro ganito ang ipapakitang suporta ng mga mamamayan ng Caloocan sa mag-amang Malapitan kung hindi naging maayos at maganda ang kanilang ibinigay na serbisyo.

Ganito rin ang pananaw ng mga residente sa magkapatid na Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco ng Navotas City dahil talaga namang malayo na ang naging pag-unlad ng lungsod kumpara sa mga nakalipas na panahon.

Dati kasi, kahit hindi tag-ulan, lumulubog ang maraming lugar sa Navotas kapag high tide pero dahil sa ng mga pumping stations, malalaki at matibay na dike at navigational gate na nailagay sa pagtutulungan ng magkapatid, hindi na binabaha ang lungsod at dumami na ang mamumuhunan.

Siyempre, hindi naman lahat ng lungsod o munisipalisad na pinamumunuan maging ng magkapatid, mag-ama o malapit na magkamag-anak ay umunlad dahil may ilan din na sariling bulsa lang nila ang umaasenso.

Project RESOLVE inilunsad ng DSWD-NCR sa Navotas

NATALAKAY na rin lang natin ang mga pag-unlad sa Navotas, kamakailan ay nilagdaan nina Mayor John Rey Tiangco at DSWD-NCR Regional Director Atty. Michael Joseph Lorico, ang isang Memorandum of Understanding (MOU) para sa paglulunsad ng “Project RESOLVE”.

Ito yung isang web-base application na nilikha upang maging centralized at madali ang pagpo-proseso sa pagtugon sa anumang uri ng sakuna at kakayahan para ito pamahalaan.

Sabi ni Mayor Tiangco, sa pamamagitan ng proyekto ay mapagbubuti ang pagtutulungan nila ng mga ahensiya ng pamahalaan, mga stakeholders, at volunteers para mabilis na makatugon sa anumang uri ng sakuna, pati na ang paglalaan ng mapagkukuhanan ng mga kailangan, at pagtiyak sa mahusay na sistema ng pagtugon.

Dagdag pa ng alkalde, mapapalakas ng proyekto ang kapasidad na protektahan ang mamamayan ng Navotas dahil titiyakin nito ang mabilis na tugon, tamang oras, organisado at epektobo kapag may nangyaring sakuna.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].