bro marianito

Pahalagahan ang kapakanan ng kapwa

519 Views

Gugustuhin mo bang mapahamak ang iyong kapuwa para lamang sa iyong pansariling interes? (Juan 11:45-56)

“Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang pinaka-punong Pari noon ay nagsabing,“Hindi ba ninyo naisip na mas mabuti para sa atin na isang tao lamang ang mamayat alang-alang sa bayan. Sa halip na mapahamak ang buong bansa”. (Juan 11:49)

MAHIRAP pagkatiwalaan ang isang taong “makasarili”. Sapagkat mas uunahin ng ganitong uri ng tao ang sarili niyang kapakanan bago ang kapakanan ng kaniyang kapuwa.

Hindi magdadalawang isip ang isang taong makasarili o “selfish” sa wikang Inggles na ipagkanulo ang sinoman sa kaniyang kaibigan o kakilala para lamang isulong ang kaniyang pansariling interes. Katulad ng ginawang pagkakanulo ni Judas Iscariote sa ating Panginoong HesuKristo.

“Noon nama’y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote na kabilang sa Labindalawa. Kaya’t nakipagkita siya sa mga Punong Pari at sa mga pinuno ng bayan sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus”. (Lucas 22:3-4)

Paano mo ipagkakatiwala ang iyong buhay sa isang taong walang pagpapahalaga sa inyong pinagsamahan? Paano mo pagkakatiwalaan ang isang taong mas matimbang para sa kaniya ang kinang ng salapi kaysa sa inyong pagkakaibigan?

Ganito ang tema ng Mabuting Balita (Juan 11:45-56) matapos magwika ang pinaka Punong Pari na si Caifas na mas mainam na mamatay si Jesus. Sa halip na mapahamak ang buong bansa sa kamay ng Emperyong Romano na siyang may kontrol sa mga Judio noong panahong iyon.

Ipinapakita lamang sa Ebanghelyo kung gaano kakitid ang pag-iisip ng mga taong ito na ipinapalagay nilang mas mabuti nang si Jesus ang mapahamak kaysa naman sila. Sa layuning mailigtas ang kanilang mga sarili.

Ang kamatayan ng Panginoong Jesus ang tanging nakikita nilang solusyon para iligtas ang kanilang mga sarili. Dahil inaakala nilang nasa sa kanilang kamay ang kaligtasan ng Israel.

Hindi nakikita ng mga Pariseo at mga Punong Pari na kasama ni Caifas sa Sanedrin na ang napipintong kamatayan ni Jesus sa Krus ay para mailigtas ang maraming tao mula sa kanilang kasalanan. Kundi sa pamamaraang politikal.

Ganito kababaw ang kanilang pang-unawa sa mga gawain ni Jesus bilang Mesiyas at Anak ng Diyos.

Inilalarawan lamang ng Pagbasa ang isang halimbawa na nakahandang isakrpisyo ng sinomang tao ang kaniyang kapuwa para lamang sa kaniyang pansariling kapakanan. Hindi na baleng mapahamak ang ibang tao hangga’t mananatili siyang ligtas.

Nais ituro ng kuwentong ito ang pagkakaroon ng malasakit para sa ating kapuwa at ang kahandaan nating ipaglaban siya sa panahon ng kagipitan. Nawa’y maging aral sa atin na pahalagahan ang kapakanan ng ating kapuwa sa halip unahin natin ang ating pansariling interes.

AMEN