bro marianito

Kasalanan ang maging madamot, hindi ang maging mayaman

499 Views

Hindi kasalanan ang pagiging isang mayaman. Ang kasalanan ay ang kadamutan ng isang may kaya sa buhay (Lk. 16:19-31)

WALA sanang maghihirap kung marunong lamang magbigay ng tulong ang ilang tao dahil hindi kasalanan ang pagiging isang mayaman. Ang kasalan ay ang pagiging madamot.

Mababasa natin sa Mabuting Balita (Lucas 16:19-31) ang kuwento tungkol sa isang lalakeng mayaman at si Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa pintuan ng nasabing mayamang lalake.

Umaasa si Lazaro na kahit maambunan man lamang siya ng tirang pagkain ng lalakeng mayaman.

Kahit siguro panis ay pagtitiyagaan na niya. Ang mahalaga ay malamanan ang kaniyang kumakalam na sikmura.

Ang lalakeng mayaman ay namumuhay ng sagana. Ang lahat ng magagandang bagay ay nasa kaniya, pagkain, magagarang damit, mala-Palasyong bahay at marami siyang salapi.

Sa madaling salita, siksik, liglig at umaapaw ang kaniyang kayamanan.

Samantalang si Lazaro ay salat sa buhay, naghihirap, naghihikahos at kahit man lamang maayos na damit ay wala siya.

Wala nang maaaring asahan si Lazaro kundi ang awa ng ating Panginoon Diyos.

Kagaya ni Lazaro ang ilang sa atin na kasalukuyang naghihirap at naghihikahos sa buhay pero hindi parin sila nawawalan ng pag-asa.

Sapagkat nananalig sila na hinding hindi sila pababayaan nang Panginoon.

Dahil ipinangaral ni Hesus na “Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos sapagkat kabilang sila sa kaharian ng Langit”. (Mateo 5:3)

Kaya nang mamatay ang pulubing si Lazaro, siya ay dinala ng mga Anghel sa piling ni Abraham na tumutukoy sa kaharian ng Diyos.
Namatay din ang mayamang lalake, subalit hindi kagaya ni Lazaro.

Ang lalakeng mayaman ay naghihirap sa naglalagablab na apoy ng impiyerno. Hindi rin tinukoy ang pangalan ng lalakeng mayaman. Sapagkat ang kaniyang karakter ay tumutukoy sa mga taong madadamot, manhid at nagbubulag bulagan sa mga taong naghihirap sa kabila ng kanilang kasagaan sa buhay.

Hindi mahirap isalarawan ang mga kagaya ni Lazaro. Sapagkat makikita natin ang mga katulad niya sa mga tao sa ating lipunan na walang tahanan, mga batang palaboy sa kalye, ang mga matatandang iniwan ng kanilang pamilya at mga taong may sakit.

Nakalimutan nang lalakeng mayaman na ang kaniyang kayamanan ay ipinagkatiwala lamang sa kaniya ng Panginoong Diyos at obligasyon niyang ibahagi ito sa kaniyang kapuwa lalong lalo na sa mga taong salat sa buhay.

Kaya naman hinatulan ng Diyos ang lalakeng mayaman batay sa naging pagtrato niya sa kaniyang kapuwa.

Dahil ayon sa Pagbasa sa Aklat ni San Mateo na “At sasabihin sa kanila ng Hari, Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan”. (Mateo 25:45)

Kaya inilagay siya ng Diyos sa dapat kalagyan ng mga taong kagaya niya na hindi marunong magbigay at tumulong sa kanilang kapuwa kahit nakikita nang dalawang mata nila ang paghihirap at paghihikahos ng kanilang kapuwa.

“Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid na tao ay pupunta sa buhay na walang hanggan”. (Mateo 25:46)

Hindi mawawala ang agwat sa pagitan ng mahirap at mayaman.
Kung patuloy rin ang pagiging maramot ng mga taong sagana ang pamumuhay subalit tila nanghihinayang na ibahagi ang kanilang biyaya sa mga kagaya ni Lazaro.

Manalangin Tayo:

Panginoong Hesus. Nawa’y tulungan mo kaming maging bukas palad sa mga nangangailangan at huwag maging maramot. Nawa’y tumimo sa aming puso ang aral na itinuturo ng Ebanghelyo na huwag maging manhid sa mga taong nangangailangan.

AMEN