Edd Reyes

Grupong pang-relihiyon, grupo ng mga abogado walang pinagkaiba

Edd Reyes May 20, 2026
24 Views

KUNG palitan ng paniniwala at pagde-debate ang pag-uusapan, walang pinagkaiba ang grupong pang-relihiyon sa grupo ng mga abogado.

Kahit kasi iisa lang ang bibliya na pinagbabatayan ng iba’t-ibang grupong pang-relihiyon, magkakaiba ang kanilang paniniwala sa nilalaman nito na dahilan upang magkaroon ng kanya-kanyang pagtatatag ng relihiyon

Ganito rin ang mga abogado dahil kahit iisa lang ang Saligang Batas na kanilang pinagbabatayan, iba’t-iba naman ang kanilang interpretasyon sa nilalaman nito na dahilan para humantong sa tagisan ng talino at pagde-debate, hindi man sa hukuman, ay sa pampublikong talakayan..

Ang pagkakaiba nga lang, may mga Mahistrado ng Korte Suprema na nagpapasiya sa mga inihahaing usaping legal ng magkabilang panig na silang nagsisilbing pinakahuli o pangwakas na awtoridad sa pagbibigay ng kahulugan sa Saligang Batas, habang wala namang tagapagpasiya kung ano at tama o mali sa palitan ng paniniwala ng grupong pang-relihiyon.

Kaya nga lang, may mga pangyayari na dekada ang binibilang bago makapaglabas ng kanilang pinakahuling pagpapasiya ang mga Mahistrado sa ilang mga usaping legal na kadalasan ay nagiging dahilan upang humina ang tiwala ng marami sa sistema ng hudikatura sa bansa.

Sa ngayon, mainit ang usapin hinggil sa paglalabas ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa para sa kasong crimes against humanity dahil magkahiwalay ang paniniwala ng mga abogado ng Senador at ng abogado ng pamahalaan sa umiiral na batas sa ilalim ng R.A 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity na dahilan para iakyat ang usapin sa Korte Suprema..

Ibinasura na ng Korte Suprema ang naturang usapin pero tiyak na hindi rito matatapos ang usapin dahil may mga legal na hakbang pang gagawin ang mga abogado ng magkabilang panig kapag hindi pabor sa kanila ang magiging desisyon.

Yan ang isa sa dahilan kung bakit naniniwala ang mga biktima ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mabagal ang sistema ng hustisya sa bansa.

Data Privacy Act, nakakahadlang nga ba sa pagtugis sa mga kriminal?

HINDI maikakaila na nakakahadlang din sa pulisya kahit paano sa pagtugis ng mga kriminal ang mga umiiral na panuntunan kaugnay sa pagbabawal na ilabas ang pangalan at mukha ng mga hinihinalang kirminal, maging sila ay nahuli na o patuloy na nakakalaya.

Dati na kasing nakagawian noon na iprisinta sa media ang mga nahuhuling suspek at larawan ng mga nakakalaya kaya pero hindi na ito pinapahintulutan dahil sa umiiral na Presumption of Innocence, Data Privacy Act at panuntunan na rin ng Philippine National Police (PNP).

Noon, tanging mga menor-de-edad lamang ang hindi talaga ipriniprisinta kahit pangalan dahil protektado sila ng batas sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act kung saan, labag sa batas ang paglalabas ng anumang pagkakakilanlan sa kanila kahit masangkot pa sa krimen.

Kaya nang ipagbawal na rin ang paglalabas ng larawan at pangalan ng mga suspek na nasa hustong gulang, lumiit na rin ang impormasyong natatanggap ng kapulisan dahil walang ideya ang publiko sa pagkakakilanlan ng mga nakakalayang kriminal.

Kaya ganoon na lang ang pasasalamat ng kapulisan kapag may impormasyon mula sa publiko sa kinaroroonan ng tinutugis nilang krimnal dahil bihira ng mangyari ito buga ng kakulangan ng impormasyon ng publiko sa pagkakakilanlan ng mga wanted na kriminal.

Sana, kapag umakyat na sa hukuman ang kaso laban sa suspek, puwede ng ilabas ang pagkakakilanlan ng mga nakakalaya para makatulong ang publiko sa pagbibigay ng impormasyon.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com