Calendar
Tumatayong nanay, tatay ng tahanan sinuportahan ng Masonic Lodge 247
STA. ISABEL Calapan City — Isang makabuluhan at matagumpay na aktibidad ang idinaos Mayo 20, 2026, sa Sta. Isabel Covered Court na naglalayong bigyang-halaga at tulungan ang mga masisipag at matatag na mga Solo Parent sa barangay.
Sa pangunguna ni BNS Mace, Bise Presidente ng Solo Parents Association, katuwang ang Pangulo nitong si Pres. Melody Japlit, naging matagumpay ang pagsasagawa ng programa.
Ito ay nakatuon sa paghahatid ng tulong pinansyal, kaalaman, at pagkalinga para sa mga tumatayong ama at ina ng tahanan na siyang haligi at ilaw ng kanilang mga pamilya.
Bilang pangunahing tagasuporta at sponsor, taos-pusong nagpasalamat ang mga benepisyaryo sa Daet Masonic Lodge No. 247 (DML 247) ng Bicol, sa pangunguna ni Worshipful Master Arnel Cosinas, kasama sina Senior Warden Vincent Varin at Junior Warden Joselito Quila.
Ang samahan, na nagtataguyod ng prinsipyong “Charity Without Boundary” o Walang Hangganang Pagkakawanggawa, ay nagkaloob ng mga tulong na bigas at mga kagamitan sa pagkain (grocery items).
Ang nasabing kabutihang-loob ay nagsilbing malaking ginhawa at bawas-pasanin sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga pamilyang kanilang tinutulungan.
Hindi lamang materyal na pangangailangan ang binigyang-pansin kundi pati na rin ang kalusugan ng bawat isa. Isinagawa ang edukasyon at kamalayan tungkol sa Hypertension at Pag-iwas sa Paninigarilyo (Smoking Cessation Awareness) sa pangunguna ni Sir Dustin Franz, Non-Communicable Nurse Coordinator mula sa City Health and Sanitation Department sa ilalim ng pamumuno ni City Health Officer Dra. Liza Llanto. Naging katuwang din dito ang laging handang sumuporta at gumabay sa mga gawain ng barangay, ang Rural Health Midwife na si Lorraine Mae Ordinario Olingay.
Dumalo rin at nagbigay ng suporta ang pamunuan ng Sangguniang Barangay sa pangunguna ni Punong Barangay Hon. Mario Masangkay. Kasama rito ang mga kagawad na sina Hon. Gerlie Roa Ilagan, Hon. Aileen Esguerra, Hon. Sinando Pita, Hon. Alex Reyes Manibo, Hon. Lheo De Leon, at Hon. Ronald Bulan, pati na rin si Lupon Fhedemy Ocampo Tatlonghari.
Bahagi rin ng tagumpay ng aktibidad ang walang pagod na serbisyo at tulong ng mga Barangay Health Workers (BHW), mga tanod, at mga kawani ng barangay na nagsumikap upang maging maayos ang daloy ng programa.
Bilang pagtatapos, ipinaabot ang malalim na pasasalamat sa lahat ng nagbigay ng oras at tulong, lalo na sa mga kalahok na Solo Parents na nagpakita ng kanilang tibay at pakikilahok. Ang ganitong mga programa ay patunay na ang pagtutulungan ng pribadong samahan at ng pamayanan ay susi sa pagbibigay ng ginhawa at pag-asa sa bawat pamilya.
“Mabuhay po kayong lahat,” ang sabay-sabay na pahayag ng mga nag-organisa at mga benepisyaryo bilang pasasalamat sa walang-sawang paggabay at suporta sa mga adhikain para sa kapakanan ng mamamayan.

