Hot News

2 miyembro ng PAF nakitang walang malay sa bumagsak na eroplano sa Benguet

Zaida Delos Reyes May 20, 2026
23 Views
Crash
Source: PIA Benguet courtesy ni Board Member Oliver K. Paus

DALAWANG miyembro ng Philippine Air Force (PAF) ang nasugatan matapos bumagsak ang sinasakyan nilang eroplano sa Mt. Sto. Tomas sa Sitio Cabuyao, Barangay Poblacion, Tuba, Benguet nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-10:20 ng umaga ngunit naiparating lamang ito sa mga awtoridad dakong alas-11:40 ng umaga.

Ayon kay Lt. Col. Roy Calulot, tagapagsalita ng Benguet Police Provincial Office, ang bumagsak na eroplano ng PAF ay may tail number na 10-39.

Isa sa mga nasugatan ay nakilalang si First Lieutenant Ruth Angelique R. Pasos.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng isa pang lalaking airman na kasama niya sa eroplano.

Kabilang sa mga rumisponde sa crash site ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Unang natagpuan ang mga biktima na walang malay at agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan.