bro marianito

Palakasin ang pananampalataya, huwag ang takot

332 Views

Pinapawi din ni Jesus ang ating mga takot sa harap ng Pandemiya. Ang wika din niya sa atin, “Huwag na kayong matakot. Ako si Jesus”. (Juan 6:16-21)

“Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila. “Huwag na kayong matakot. Ako si Jesus”. (Juan 6:20)

DALAWANG TAON tayong nilukuban ng dilim dulot ng nakagigimbal at nakasisindak na COVID-19 pandemic sa ating bansa. Halos mapatigalgal ang ating hininga sapagkat hindi natin sapantaha at mabatid kung anong kinabukasan at kapalaran ang naghihintay para sa atin.

Bunga nito, may ilan sa atin ang halos panghinaan ng loob at manamlay ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari na lalong nagpabagsak sa kanilang moral at pananalig bilang mga Kristiyano.

Kabilang dito ang pagpanaw ng kanilang mga mahal sa buhay, kaibigan, kamag-anak, ka-pamilya at kung sino-sino pang mga taong malalapit sa atin matapos silang mahawahan o kapitan mismo ng coronavirus. May mga negosyong nagsara at ang ilan naman ay nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Sa mga panahong ito habang tayong lahat ay unti-unting ibinabagsak ng napakatinding problemang ito wala ka ng maaaring takbuhan at hingan ng tulong kundi ang ating Panginoong Diyos.

Siya na lamang ang nalalabing pag-asa upang muli tayong makaahon at makabangon mula sa kumunoy na kinasasadlakan natin. Subalit ang tanong ng ilan, naririnig kaya ng Diyos ang ating mga dasal? At nakikita niya ang ating nakalulunos na sitwasyon? Dahil lalong lumalala ang pandemya sa bansa.

Kailanman ay hindi hinangad ng Panginoon na maghirap ang mga tao at malugmok tayo sa isang malalang problema tulad ng nararanasan nating COVID-19 pandemic. Dahil ang laging hangad ng Diyos ay ang kabutihan ng bawat isa sa atin.

Huwag natin isisi sa Diyos ang mga mapapait na karanasan natin noong kasagsagan ng pandemya. Sapagkat hindi naman ang Panginoon ang naghasik ng coronavirus para puksain ang kaniyang mga minamahal na Anak.

Alalahanin natin na makatotohanan ang mga Salita ng Diyos na hindi niya tayo pababayaan. Anomang sitwasyon ang ating kinasasadlakan, laging naririyan ang kamay ng Panginoon na iniaabot niya sa atin para tayo ay muling niyang ibangon.

Kung ano ang winika ni Jesus sa kaniyang mga Disipulo sa Mabuting Balita (Juan 6:16-21) habang ang mga ito’y naglalayag sa lawa papuntang Capernaum.

Ganoon din ang mga Salitang sinasabi ni Kristo sa atin. “Huwag na kayong matakot. Ako si Jesus”. Habang tayo’y kasalukuyang naglalayag sa ating mga sariling lawa na sinasagupa ng malakakas na hangin at malalaking alon (Pandemiya). (Juan 6: 18)

Katulad ng mga Alagad, tayo rin ay nilukuban ng sobrang takot dulot sa pandemyang ito. Inakala natin na ang multo at bangungot ng COVID-19 ay wala ng katapusan at tuluyan na tayong pinabayaan ng Panginoong Diyos. (Juan 6: 19)

Ngunit sa kabila ng naging sitwayon natin noong panahon ng pandemya naririto pa rin si Jesus sa ating piling na nagpapakilala sa kaniyang sarili para pawiin ang ating mga takot. Ang wika niya sa ating lahat,”Huwag na kayong matakot. Ako si Jesus”.

Naramdaman natin ang kaniyang presenisya sa pamamagitan ng mga taong may busilak na kalooban na nagkaloob ng tulong para sa mga taong halos wala ng makain, mainom at maisuot dahil marami ang nawalan ng hanap buhay at trabaho.

Kaya ano pa ang dapat nating ipangamba? Kung laging naririto si Kristo sa ating tabi para pawiin ang ating mga takot. Sapagkat sino ba sa palagay natin ang mas makapangyarihan. Ang COVID-19 o si Jesus na Anak ng Kataas-Taasang Diyos?

Mas palakasin natin ang ating pananampalataya sa Panginoon at hindi ang ating mga takot. Sapagkat mas lalo tayong ilulugmok ng takot habang ang ating pananampalataya ang papawi sa mga bagay na ating kinatatakutan.

AMEN