Tulay Source: MDRRMO Cabagan

Palasyo tiniyak: Nagpagawa ng bumagsak na Isabela tulay lagot

Chona Yu Mar 5, 2025
16 Views

TINIYAK ng Palasyo ng Malakanyang na mananagit sa batas ang mga dati at kasalukuyang administrasyon na responsable sa pagbagsak ng tulay sa Isabela.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, maaring masampahan ng kaso ang mga nagpabaya sa tungkulin.

Ayon kay Castro, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagsimula ang pagkumpuni sa tulay noong 2014 kung saan ang 90% nito ay ginawa sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Subalit dahil sa tagal ng panahon kung saan maraming lindol at kalamidad ang pinagdaanan ng tulay ay kailangan na itong i-retrofit.

Lumalabas din aniya sa inisyal na imbestigasyon na hindi angkop ang disenyo at kakayahan nito sa malalaking sasakyan tulad ng mga truck at para lamang ito sa light vehicles.

Subalit tatlong truck aniya na may mabigat na karga ang dumaan sa tulay kaya bumigay ito.

Dahil dito kaya ayon aniya kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, maaaring mapanagot ang may ari ng tatlong dump trucks na dumaan.

Gayundin dapat managot ang nakaraan at kasalukuyang opisyal dahil sa nasabing insidente.

“Ang sabi po ay hindi lamang ang nakaraang administrasyon ang puwedeng panagutin dito – lahat po, hanggang sa ngayon kung sino po ang maaaring may liability dito kung mayroon man, lahat po iyan dapat managot,” pahayag pa ni Castro.

Sa kabila nito patuloy aniya ang gagawing mas malalim na imbestigasyon sa bumagsak na tulay sa Cabagan, Isabela para matukoy kung sino ang mga dapat managot sa naturang insidente.