Rodriguez

Pamamahagi ng ayuda sa PUV driver ‘wag pakialaman

Mar Rodriguez Apr 8, 2022
299 Views

TAHASANG sinabi ng isang Mindanao solon na hindi dapat “umepal” ang sinomang politiko sa gagawing pamamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng financial assistance para sa lahat ng drayber ng Public Utility Vehicles (PUV) sa buong bansa.

Para hindi magamit ang bagay na ito ng mga politikong mahilig umepal para lamang maingat ang kanilang popularidad sa panahon ng kampanya.

Ikinatuwa naman ni House Deputy Speaker for Mindanao at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang naging desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na pahintulutan ang pamamahagi ng P6,500 financial assistance para sa lahat ng tsuper ng PUV kahit sa panahon ng eleksiyon.

Bagama’t nagpaalala si Rodriguez na hindi umano dapat mahaluan o mabahiran ng politika ang pamamahagi ng ayuda para sa mga PUV drivers partikular na ngayong panahon ng eleksiyon.

Ipinaliwanag ng kongresista na mula sa pondo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ipamamahaging financial assistance at hindi sa bulsa ng sinomang politiko na magtatangkang makisakay sa isyu.

Sinabi ng Mindanao solon na ang pamamahagi ng ayuda para sa mga drayber ng PUV ay naglalayong matulungan ang mga ito sa kinakaharap nilang crisis. Bunsod ng sunod-sunod na pagsirit sa presyo ng gasolina.

Hindi aniya dapat ituring ang nabanggit na kawang-gawa bilang bahagi ng pangangampanya o kaya ay galing sa political funds ang perang ipinamimigay para sa mga draybers.

Iginiit ng mambabatas sa LTFRB na hindi nito dapat hayaang maki-alam o pumapel ang sinomang politiko na magtatangkang gamitin ang pamamahagi ng ayuda para sa kanilang pansariling agenda ngayong panahon ng halalan.

“It is a government agency that is giving the money to PUV drivers. The LTFRB should not allow politicians to meddle or be associated with the distribution The process should be devoid of politics,” paliwanag pa ni Rodriguez.