Magsino

Pambansang Pabahay Program ng OFW Party List dinagsa ng application mula sa mga OFWs

Mar Rodriguez May 4, 2023
577 Views

INIHAYAG ng One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes na 10,000 Overseas Filipino Workers mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang nagsumite ng kanilang application para sa inilunsad nitong “Pambansang Pabahay Program para sa mga OFWs.

Nabatid ng People’s Taliba kay OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na dinagsa ng application mula sa mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat ang inilunsad nilang programa. Sapagkat
sa loob lamang ng apat na araw mula ng binuksan nila ang preliminary database ay nakatanggap na umano sila ng 10,000 submissions ngayong May 4.

Ayon kay Magsino, ito ay mula sa mga OFW na nagta-trabaho sa iba’t-ibang panig ng mundo na interesadong maging benepisyaryo ng “Pambansang Pabahay para sa mga OFW” ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at OFW Party List.

“Ang 10,000 submissions na ating natanggap mula sa mga OFWs ay susuriin ng DHSUD. Dadaan po ito sa assessment, verification, at paghingi ng documentary requirements na itinalaga ng DHSUD,” paliwanag ni Magsino.

Idinagdag pa ng kongresista na pagkatapos malinis ang listahan ng DHSUD
aabisuhan ang mga OFWs ng OFW Party List kung maaari ng muling magbukas ng panibagong batch ng mga aplikante para sa nasabing programa.

Pinayuhan din ni Magsino ang mga OFWs na manatili aniyang nakaantabay ang mga ito sa “Facebook page” ng OFW Party List para naman sa mga susunod na abiso kaugnay sa nasabing programa.

Nauna rito, inilunsad ang Pabahay Program para sa mga OFWs para tulungan ang mga Pilipinong manggagawa sa abroad na magkaroon ng kanilang sarili at disenteng tahanan.