Martin1

Pamilya ng 5 rescuer na nasawi sa pananalasa ng bagyong Karding tinulungan ng Kamara

149 Views

NAGBIGAY ng tulong ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pamilya ng limang rescue personnel sa Bulacan na nasawi sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karding noong nakaraang buwan.

Pumunta ang pamilya nina Narciso Calayag Jr., Jerson Resurreccion, Marby Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agustin, sa Kamara de Representantes upang tanggapin ang kopya ng House Resolution No. 16 na kumikilala sa kabayanihang ng mga nasawing rescuer.

Mainit na tinanggap ni Speaker Martin G. Romualdez ang mga kaanak ng nasawi sa kanyang tanggapan sa Kamara noong Martes, Oktobre 11.

“We will not forget your sacrifice and heroism, Narciso Calayag Jr., Jerson Resurreccion, Marby Bartolome, George Agustin, and Troy Justin Agustin. We will keep you in our prayers,” sabi ni Romualdez.

Ang pamilya ng mga nasawi ay binigyan ng tulong pinansyal, medical, burial, at mga tulong sa pag-aaral gaya ng laptop, at scholarship, job opportunities, at livelihood program packages.

Nagpasalamat naman ang pamilya ng mga rescuer sa tulong at suporta na ipinaabot sa kanila.

“Sa lahat po ng tulong na bumuhos at aming natanggap, at ngayon po sa parangal at tulong na inyong pinagkaloob dito sa Kongreso taos-puso po ang pasasalamat namin. Salamat po sa pagpapahalaga sa sakripisyong ginawa nilang lima,” sabi ni Michelle Resurreccion ang misis ni Jerson na siyang lider ng kanyang grupo.

Umapela rin si Michelle sa mga mambabatas na bigyan ng angkop na benepisyo ang mga tauhan ng gobyerno na sumusugod sa mga mapanganib na sitwasyon.

“Kung ang buhay po ng lima naming mahal sa buhay ang magiging kapalit upang mapabuti ang mga nagbubuwis ng buhay sa panahon ng sakuna ay buong puso namin tatanggapin basta po sana hindi mawalan ng saysay ang kanilang sakripisyo,” dagdag pa ni Michelle.

Ang House Resolution No. 16 ay akda nina Speaker Romualdez, House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan, senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre.

Isinama dito ang 12 iba pang panukala na kumikilala rin sa natatanging ipinakita ng mga rescuer na nasawi matapos na bagsakan ng gumuhong pader habang nasa isang rescue mission sa San Miguel, Bulacan.