Calendar
Panalangin, pagkakaisa, suporta kay ex-Speaker umaapaw
SA kabila ng mabigat na pagsubok na pinagdadaanan ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, patuloy ang pagpapakita ng panalangin, pagkakaisa at suporta ng mga Leyteño para sa kanya.
Isang banal na misa ang idinaos sa St. Michael the Archangel Parish sa Tolosa, Leyte, na dinaluhan ng libu-libong supporters, kaibigan at mga residente bilang pagpapahayag ng kanilang panalangin at pakikiisa kay Romualdez.
Ang mahalagang pagtitipon ay pinangunahan ng local government unit (LGU) ng Tolosa na nagsilbing pagkakataon para sa mga dumalo na sama-samang manalangin at maghatid ng mensahe ng pagkakaisa at suporta para sa kanilang kongresista.
Ito na ang ikalawang misa na inorganisa para kay Romualdez na nagpapakita ng patuloy na pananalangin ng kanyang mga tagasuporta sa Leyte sa gitna ng kinakaharap niyang mga pagsubok.
Sa pagtitipon, nangingibabaw ang mensahe ng panalangin, pagkakaisa at pag-asa mula sa mga dumalo na umaasang mananaig ang katotohanan at katarungan.
Para sa mga sumuporta sa misa, ang kanilang patuloy na pananalangin ay paraan upang ipakita ang kanilang pakikiisa at suporta kay Romualdez sa panahong kinakaharap niya ang kanyang mga legal na usapin.
Kasabay nito, ikinalulungkot at ikinadismaya ng napakaraming Leyteño ang ginagawang panggigipit laban kay Romualdez sa kabila ng mga pahayag na wala itong kinalaman sa kasong korapsyon na ibinabato laban sa kaniya.
Naninindigan ang mga Leyteño na lalabas din ang katotohanan at mapapawalang sala si Congressman Romualdez.

