Eduardo

Panawagan ng DILG sa LGUs: “No CCTV, no business permit” policy ipatupad

Jun I Legaspi May 24, 2022
275 Views

NANAWAGAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa upang maging requirement sa pagkuha ng business permit ang pagkakabit ng closed-circuit television (CCTV) systems lalo na sa mga negosyo na maraming tinatanggap na kustomer.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na malaki ang maitutulong ng CCTV sa paglutas ng krimen.

“Ngayon ang tamang panahon para i-require ang mga negosyo na mag-install ng CCTV. People are going out of their homes and in various establishments nowadays due to lower COVID-19 cases and a CCTV system is a powerful tool that can aid LGUs in ensuring public safety, deterring crimes, and identifying and apprehending culprits,” sabi ni Año.

Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular (MC) No. 2022-060, sinabi ni Año na ang mga establisyemento na dapat magkabit ng CCTV ay ang mga financial establishments gaya ng bangko, pawnshop, money lender, at money remittance services, at mga negosyo na maraming branch gaya ng mall at supermarket at mga medical facility tulad ng ospital at laboratory.

Makabubuti rin umano kung mayroong CCTV ang mga internet café, perya, sinehan, at mga terminal at parking area.

“Malaki po ang maitutulong ng business establishments sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang mga komunidad sa pamamagitan nang pag-prioritize sa installation ng CCTVs sa kanilang mga negosyo. We must work in synergy towards a more peaceful community,” dagdag pa ng kalihim.