Libanan

Panawagan ni Libanan, ihalal kandidatong may dugong Waray-Waray

279 Views

IKINAMPANYA ni 4Ps party-list first nominee Marcelino Libanan si UniTeam presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Waray.

Ayon kay Libanan, mayroong dugong Waray-Waray si Marcos at maaaring hindi na magkaroon muli ng ganitong pangulo kaya iginiit nito ang kahalagahan na siya ang suportahan.

“Baka in our lifetime hindi na ito dumating na ang isang Waray-Waray, dugo natin, magiging Presidente sa Republikang Pilipinas,” sabi ni Libanan na ang pinatutungkulan ay si Marcos na anak ni dating First Lady Imelda Marcos na nag-ugat sa rehiyon.

Sinabi ni Libanan na dalawang beses din pinuntahan ni Marcos ang Eastern Samar kahit na ito ay malayo.

“Ang tanong, mahal ba niya ang Eastern Samar? Mga kapatid, sa halalan na ito, baka ang Eastern Samar lang na probinsya na malayo ang pupuntahan niya at pinuntahan niya ng dalawang beses.

Sobrang pagmamahal na ipinakikita sa atin, napakaliit tayong botante sa buong Pilipinas, pero dalawang beses na pumunta dito,” dagdag pa ni Libanan.

Unang pinuntahan ni Marcos ang Eastern Samar noong Nobyembre 28, 2021, halos dalawang buwan matapos itong maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagkapangulo.

Noong Abril 8 ay muling bumalik si Marcos sa lugar upang mangampanya at dalhin ang kanyang panawagan na magkaisa para sa pag-unlad ng bansa.