Robin

Panawagan ni Robin Padilla sa mga Muslim: BBM-Sara suportahan

331 Views

NANAWAGAN ang aktor at senatorial candidate na si Robin Padilla sa kanyang mga kapatid na Muslim na suportahan sina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at vice presidential candidate Sara Duterte.

Ginawa ni Padilla ang panawagan sa Manila Golden Mosque and Cultural Center sa Quiapo, Manila kung saan siya nag-aral ng Islam at kasaysayan ng Bangsamoro.

“Noong panahon po na nagkaroon ng matinding labanan (sa Mindanao), noong pinaglalaban po ng Bangsamoro ang kanilang mga lupain at ang karapatang pamunuan ang kanilang mga sarili, naging madugo po ang labanan na ‘yan, at noong panahon na yan, nakiusap ang Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kay (First Lady) Imelda Marcos na pumunta sa Libya para makipag-usap kay Muammar Gadaffi para magkaroon ng peace talks,” sabi ni Padilla.

Ayon kay Padilla dito nag-ugat ang 1976 Tripoli agreement at kasama sa napagkasunduan ang pagtatayo ng Golden Mosque sa Quiapo, Blue Mosque sa Taguig at mosque sa loob ng Malacañang.

Kasama rin umano sa kasunduan ang pagtatayo ng dalawang autonomous region sa Muslim Mindanao. Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) pa lamang ang naitatayo.

Sinabi ni Padilla na ang BBM-Sara tandem ang maaaring makapagsakatuparan ng pagtatayo ng isa pang autonomous region.

“Sila ang puwede nating maging kakampi upang maisakatuparan ang dalawang autonomous region. Sila ang puwede nating lapitan, sapagkat sa una palang, tinulungan na nila tayo. Nandito ang Golden Mosque, ang Blue Mosque dahil kay Presidente Marcos Sr. At nandyan ang BARMM dahil kay President Duterte,” sabi pa ni Padilla.

Nagpasalamat naman si Davao City Mayor Sara sa Muslim community sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na mailahad ang kanilang plataporma.

“Salamat po sa inyong suporta. Dala-dala po namin ni Bongbong Marcos ang pagkakaisa para sa kaunlaran ng bansa. Humihingi po kami ng suporta sa inyo,” sabi ni Mayor Sara.

Nanawagan din si Mayor Sara ng pagkakaisa para mabilis na makabangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya.