PSA Source: FB

Pang-aabuso sa PSA late registration ikinabahala nina Sens. Grace, Pia

46 Views

MGA dayuhan inaabuso ang Philippine Statistics Authority (PSA) gamit ang late registration system.”

Ito ang tanong nina Sens. Risa Hontiveros at Grace Poe sa plenary debates ng Senado tungkol sa pambansang badyet ng 2025 habang ipinahayag ang matinding pag-aalala sa diumano’y pang-aabuso ng mga dayuhan sa late registration system ng PSA upang makakuha ng pekeng pagka-Filipino o ilegal na Filipino citizenship.

Pinangunahan nina Hontiveros at Poe ang panawagan para sa pagkakaroon ng matinding accountability at sistematikong reporma na binibigyang-diin ang pangangailangang tiyakin ang integridad ng mga proseso ng PSA habang pinoprotektahan ang access para sa mga tunay na mamamayan.

Kinuwestiyon din ni Sen. Risa kung paano pipigilan ng PSA ang ganitong pang-aabuso sa hinaharap at tinanong tungkol sa mga hakbang na pananagutin ang mga opisyal na maaaring may kinalaman sa ganitong mga kaso o modus operandi.

Bilang tugon, kinumpirma ni Sen. Poe na hinarang na ng PSA ang 1,627 pekeng birth certificates matapos ang masusing imbestigasyon at ibinahagi ang impormasyon sa mga pangunahing ahensya tulad ng Bureau of Immigration (BI), Department of Foreign Affairs (DFA), at National Bureau of Investigation (NBI).

Binanggit ni Poe na sa mga kasong ito, 18—kabilang ang sa Chinese national na si Guo Hua Ping—ang naipasa na sa Office of the Solicitor General (OSG) para kanselahin.

“Imagine, 1,600 na yung nakapag-rehistro na over 18 years old. Wala man lang kaduda-duda,” sabi ni Poe.

Nanawagan ang dalawang senadora para sa mas malawak na inter-agency coordination upang masolusyonan ang mga hamong ito at binigyang-diin na ang information-sharing sa pagitan ng PSA, BI, DFA, NBI at iba pang kaugnay na ahensya mahalaga upang mapigilan ang pandaraya sa pagkakakilanlan.

Sa mga hakbangin para sa operational improvements, inilahad ni Poe ang proactive na pagkilos ng PSA upang tiyakin ang access sa pagpaparehistro para sa mga malalayong lugar at mga disadvantaged communities.

Mismong tinutulungan ng PSA ang mga tao sa underserved areas, partikular na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan maraming residente ang walang opisyal na dokumento.

Binanggit ni Hontiveros ang pangangailangan na balansehin ang seguridad sa access, sa pagsasabi ng mga kaso kung saan nahihirapan ang mga mamamayan na itama ang maliliit na pagkakamali sa birth certificate dahil sa mga limitasyon sa proseso.

“Yung isang milyong nahanap na ng PSA, yung 400,000 dun sa BARMM, eh napakahalagang dokumento talaga,” sabi niya.

Bilang dagdag sa panawagan para sa mas pinalawak na access, iminungkahi nina Poe at Hontiveros ang pagtatayo ng isang consolidated, digitized na database ng gobyerno upang mapadali ang cross-checking at mapabilis ang mga proseso ng pag-verify.

“This effort, along with data digitization, could serve as a model for strengthening records integrity across government agencies,” mungkahi ni Hontiveros.