Aritao Pangil Mayor Gerald Aritao

Pangil idineklaraang SIPP area

Gil Aman Jun 14, 2024
132 Views

IDINEKLARA ng militar na Stable Internal Peace and Security (SIPP) area na ang Pangil, Laguna matapos ang mahigit isang taon na walang bayolenteng aktibidad at presensya ng mga komunistang teroristang grupo.

Ayon sa 202nd Infantry Brigade at 1st Infantry Battalion ng Philippine Army, magiging daan ang pagiging mapayapa ng bayan para sa pag-unlad ng Pangil at makakahikayat ng mga mamumuhunan..

Pinangunahan nina Pangil Mayor Gerald Aritao at 202nd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Cerilo Balaoro ang pagdedeklara ng SIPP at dinaluhan ng mga miyembro at opisyal mula sa Laguna Peace and Order Council at opisyal ng lokal na pamahalaan.

Samantala, nagbahagi rin ng karanasan ang ilang mga magulang mula sa grupong Hands Off Our Children kaugnay sa karanasan ng kanilang mga anak sa pagrerecruit ng mga organisasyon at nagdala sa kanila sa komunistang grupo.

May iba’t-ibang serbisyo ring ibinigay ang lokal na pamahalaan sa publiko tulad ng bloodletting, libreng gupit at birth registration, gayundin ang libreng seedlings mula naman sa Municipal Agriculture Office.

Ang Pangil ang ikaanim na munisipalidad sa Laguna na nakakuha ng SIPP status.